EDITORYAL - Paglipol sa drug syndicates ang tuunan ng PDEA
PATULOY ang drug syndicates sa kanilang masamang negosyo. Hindi sila tumitigil at lalo pang bumabangis. Marami silang naiisip na paraan para maipasok sa bansa ang kanilang kargamento. Gagawin ang lahat para maikalat ang droga sa bansa. Kaya hanggang ngayon, hindi maubus-ubos ang droga kahit araw-araw ang operasyon ng drug enforcement agency.
Pag-ubos o paglipol ang kailangan sa mga salot ng lipunan. Kapag nawala sila, wala na ang droga. Ito sana ang tuunan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Pero sa kasalukuyan, pag-drug testing sa mga menor de edad ang panukala ng PDEA. Ayon sa PDEA, mas makabubuti kung isailalim sa drug test ang Grade 4 hanggang Grade 12.
Ayon sa PDEA, layunin nila sa drug testing na mapigilan ang paglaganap ng droga sa mahigit 400,000 schools sa buong bansa. Marami raw estud-yante kahit batambata pa ang nalululong sa droga. Hindi lamang sa shabu nalululong ang kabataan kundi pati na rin sa marijuana na mas madaling mabili sa kasalukuyan.
Sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang mga kasama lamang sa mandatory drug testing ay mga high school at college students.
Umalma ang Department of Education (DepEd) sa panukala ng PDEA. Tiyak daw na maraming aalma rito. Hindi raw dapat isakatuparan ang balak na ito ng PDEA.
May magandang layunin ang PDEA kaya naisip ang panukalang i-drug test ang mga nasa Grade 4 hanggang Grade 12 pero hindi ito katanggap-tanggap sa mga magulang. Masyado pang bata ang Grade 4 para idaan sa ganitong pagsasailalim sa drug testing. Baka nga hindi pa alam ng mga estudyante ang shabu o ang marijuana.
Sa halip na pagtuunan ng PDEA ang pag-drug test sa mga Grade 4, ang habulin nila ay ang mga sindikato ng droga na kung anu-anong paraan ang ginagawa para maipasok ang droga sa bansa. Talasan ng PDEA ang kanilang pang-amoy sapagkat sa dagat na ipinadadaan ng sindikato ang bultu-bultong shabu at cocaine. Ipinaaanod nila sa dagat at saka sasagipin ng mga kakutsabang mangingisda gaya nang nangyari sa Quezon kamakailan. Lawakan ng PDEA ang kanilang intelligence gathering para malipol ang mga nagpapakalat ng droga.
- Latest