P10,000 na utang, sanggol ang kapalit
BALI-BALIKTARIN man ang mundo, mananatiling ina ang nagsilang ng sarili niyang sanggol. Magulang din ako, kaya alam ko kung gaano kasakit na mapalayo sa isang anak.
Ito ang dahilan kung bakit ginawa ng isang 23-anyos na ina ang lahat, makuha lamang ang kanyang dalawang buwang gulang na sanggol. Lumapit siya sa aming tanggapan.
Inamin niya ng buong puso, dahil sa hindi pinanagutan ng hijo de putong ama ng bata ang kanyang dinadala, sabayan pa ng hindi pagpapasahod sa kanya ng San Jose Builders bilang sales agent, napilitan siyang pumayag sa isang kasunduan.
Para makalabas lamang siya ng lying-in clinic, sinulsulan siyang ipaampon sa kanyang katrabaho ang kasisilang pa lamang niyang sanggol. Ang kanyang kalituhan, kahinaan, takot at pagkalito ang sinamantala ng kanyang mga katrabaho.
Binayaran ang P10,000 na bill sa lying-in clinic at hindi na pinakita sa kanya ang sanggol. Ang masakit pa, inirehistro pa ora mismo ang sanggol sa mga umampon dito.
Labag ito sa batas. Una, may tamang proseso ng pag-ampon hindi ‘yung basta parang tuta o kuting na kinuha lang sa lansangan. Ikalawa, wala sa tamang kondisyon ng pag-iisip at emosyon ang ina ng bata, lumalabas, sinamantala ito.
Sa tulong ng Women’s and Children’s Protection Desk (WCPD) at DSOU ng Manila Police District kasama ang BITAG-KP, naikasa ang isang rescue operation ng gabing ‘yun.
Ang problema, naitakas na ang sanggol. Wala na sa lugar kung saan nakatira ang umampon. Subalit sa panghihimasok ng WCPD, agad tinawagan ang katrabaho ng nagrereklamo na may hawak umano sa sanggol.
Maaaring kasuhan ng child abduction ang mga may hawak dito kung hindi ibabalik sa nanay nito sa loob ng 24 oras. Walang nagawa ang pakikipagmatigasan ng mga inirereklamo sa WCPD. Kinabukasan, lumutang ang mga may hawak sa sanggol at naibalik ito sa ina.
Magsilbi sana itong aral at babala lalo na sa mga magulang. Ayon sa batas, ina ang may legal na karapatan sa pag-iingat at pag-aalaga sa kanilang mga anak. Marapat na alamin ang Family Code, alamin ang responsibilidad ng isang ina. Kasal man o hindi, nasa poder lagi ng ina ang sanggol o batang edad pitong taong gulang pababa.
Ang adoption ay idinadaan sa tamang proseso at hindi naidadaan sa mabubulaklak na salitaan lang. Kaya kung sino man ang nagsisiga-sigaan diyan, hindi n’yo magugustuhan ang estilo na aming gagawin. Lagi ring nakahanda ang BITAG-KP at mga alagad ng batas sa mga kasong kagaya nito.
- Latest