Ano ang endoscopy?
Dok, ano po ba ang endoscopy? Nabasa ko na ito minsan sa inyong kolum noon. Madalas po akong makaramdam ng pangangasim ng sikmura at nananakit din ang aking baywang. Ulcer po kaya ang nararanasan kong ito? Gusto ko pong malaman kung puwede akong sumailalim sa procedure na ito.
Ang endoscopy ay isang procedure kung saan nagpapasok ng mahabang tubo (kung tawagin ay endoscope) sa lalamunan ng pasyente tungo sa kanyang esophagus, sikmura, at bituka. Sa pamamagitan nito, nasisilip kung ano ang nagpapahirap sa tiyan. May gasgas ba sa sikmura? May bukol ba? May ulcer kaya? Makikita ang lahat ng ito sa TV monitor na nakakunekta sa endoscope.
Kung ulcer na ang iyong nararanasan, mabuting mabigyan ka ng tamang gamot. Alam mo, hindi sapat na antacid lang at mga tabletang nagpipigil sa pagpupundar ng acid sa tiyan ang iinumin para sa ulcer. Napatunayan kasi na may organismong nagdudulot ng peptic ulcer. Helicobacter pylori ang pangalan nito. Ang dapat ay mapuksa natin ito sa pamamagitan ng pag-inom ng antibiotiko.
Ngayon nga ay may ibinibigay na tayong antibiotiko kasabay ng dalawa pang klase ng gamot. Bale tatlong klase ng gamot ang ibinibigay sa pasyente. Triple drug therapy na ang ginagamit para sa kaso ng ulcer. Pati ang Helicobacter pylori ay pinapatay upang hindi na ma-ging pabalik-balik ang ulcer.
Asikasuhin mo na maipasilip sa isang internist-gastroenterologist ang iyong tiyan. Kung tama ang diagnosis, maibibigay natin ang tamang gamot. Baka kailangan mo ring sumailalim sa ultrasound ng gall bladder. Minsan kasi, ang panimulang sintomas ng apdong may bato ay pananakit ng sikmura na tumutugon sa likod, sa gawing kanan, matapos na kumain ng pagkaing matataba.
Maipapayo ang madalas na pagkain pero paunti-unti lamang.. Hindi kailangang mabusog talaga.
- Latest