40,000 katao sa Australia sabay-sabay tumingin sa kalangitan para sa stargazing record
NAGAWA ng isang unibersidad sa Australia na magtipon-tipon ng 40,000 katao para sa pagtatala ng bagong world record pagdating sa stargazing.
Naitala ng Australian National University (ANU) ang pinakamalaking pagtitipon ng stargazers sa iisang lugar.
Sa sobrang dami ng lumahok sa inorganisang stargazing ng ANU ay binibilang pa hanggang ngayon ang eksaktong bilang ng mga stargazers ngunit kampante ang mga organizers na higit ito sa 40,000 na sobra-sobra na upang mahigitan ang dating world record.
Sa ANU rin naitala ang dating world record noong 2015 nang 7,960 katao ang sabay-sabay na tumingin sa kalangitan.
Nito lamang nakaraang Miyerkules isinagawa ang malawakang stargazing, kung saan sabay-sabay gumamit ng teleskopyo ang mga kalahok upang makita ang mga buwan, tala, at iba pang mga planeta.
Umaasa naman ang mga organizers na magiging simula ito ng pagkakaroon ng interes ng mga bata sa astronomy at science, na malaking bagay lalo na kung iyon daw ang magtutulak sa bagong henerasyon ng Australians na mangarap maging astronaut at balang araw ay makapaglakbay sa Mars.
- Latest