Baul ng kayamanan, natagpuang nakabaon sa isang bakuran sa New York
ISANG mag-asawa sa Staten Island, New York ang nakadiskubre ng isang baul ng kayamanan na nakabaon sa kanilang mismong bakuran.
Nagbubungkal ng lupa para sa kanilang itatanim na puno ang mag-asawang Matthew at Maria Emanuel nang may madiskubre silang kinakalawang na kaha de yero na nakabaon sa kanilang bakuran.
Excited na binuksan ng dalawa ang kahon at laking mangha nila nang malaman nila ang laman nito.
Sa loob kasi ng metal na kahon ay natagpuan nila ang pera at mga alahas na nagkakahalaga ng $52,000 (P2.7 million). Ilan lamang sa laman nito ang mga bungkos ng pera at piraso ng mga diyamante, ginto, at jade.
Bagama’t malaki ang halaga ng mga bagay na nasa kahon ay hindi na pinag-interesan nina Matthew at Maria ang mga ito. May nakalakip kasing papel sa loob nito kung saan nakasulat ang pangalan at address ng kanilang kapitbahay.
Pinuntahan ni Matthew ang nasabing kapitbahay at tinanong kung minsan na ba silang ninakawan. Umoo naman ang kapitbahay nila na nagsabing nanakawan nga sila mga pitong taon na ang nakakaraan.
Nakumpirma ni Matthew sa pamamagitan ng police reports na nanakawan nga ang kanyang kapitbahay noong 2011 nang nanalasa ang tinaguriang ‘Ninja Burglar’ na si Robert Costanzo na na-convict sa 160 kaso ng pagnanakaw.
Wala namang pagsidlan ng tuwa ang kapitbahay ng mga Emanuel sa pagkakabalik sa kanila ng kanilang mga ari-arian. Hindi naman nanghihinayang ang mag-asawa sa kanilang ipinamalas na katapatan sapagkat wala naman daw silang karapatang angkinin ang kayamanang kanilang nadiskubre sa kanilang bakuran dahil malinaw na hindi naman ito sa kanila.
- Latest