Tigas ng bumbunan mo, Mayor!
HINDI talaga mawala-wala ang mga kanser sa ating lipunan. Kung sino pa ang nasa posisyon at inihalal ng taumbayan, sila pang pasimuno ng kalokohan. Imbes na maging mabuting halimbawa, sila pa itong gumagawa ng masama.
Tulad na lamang ng istoryang ipinalabas namin sa Kilos Pronto noong Biyernes. Mayor na mismo ang nagreklamo sa kapwa niya mayor!
Mula sa malayong probinsiya, lumuwas ng Maynila si Mayor Napoleon Edquid ng Candelaria, Zambales upang isiwalat ang katarantaduhang operasyon ng kapwa niya mayor.
Kuwento niya, October 2016 nang magpatayo ng open dumpsite si Masinloc, Zambales Mayor Arsenia Lim. Problema, ang katas ng basura na itina-tambak sa dump site diretso sa Lauis River! Masangsang na amoy ng basura, diretso sa bayang nasasakupan ni Mayor Edquid.
Resulta, ang pa-dumpsite ni Mayora, nagdudulot nang malaking problema. Imbes na makatulong sa iba, perwisyo pa ang dala! Ang ilog kasi na binababoy ni Mayor Arsenia, pangunahing pinagkakabuhayan ng mga residente ng Candelaria. Pati plano tuloy ni Mayor Napoleon na pagpapatayo ng portable water machine, hindi matuloy-tuloy!
Dagdag pa ni Mayor Edquid, may closure order na ang DENR Region 3 sa perwisyong dumpsite ni Mayor Lim. Ang ipinagtataka niya, bakit hanggang ngayon ay tuloy pa rin ang operasyon ni Mayora?
Agad naming ipinagbigay alam kay Usec. Jonas Leones ng DENR at DILG Asec. Epimaco Den-sing ang reklamo. Tugon ng dalawa, hindi uubra sa kanila ang ganitong estilo.
Kung si Governor nahihilot mo dahil parehas kayo ng partido, huwag mong itulad ang Kilos Pronto! Tingnan ko lang kung di lumambot ang matigas mong bumbunan sa pinagsanib na puwersa ng DILG at DENR.
Kung di ka ba naman kasi eng-eng Mayor! Kailan naging tama na magtayo ng dumpsite sa ilog, aber? May balak ka pa yatang itulad sa Boracay ang inyong bayan. Di puwede ‘yan, trabaho mo bilang ama ng bayan na isipin ang kapakanan ng iyong nasasakupan. Kabilang dito ang bantayan at alagaan ang ating kalikasan.
Di puwedeng puro lang kayo pagpapaganda at pagpapapogi sa pwesto. Kung di niyo kayang gampanan ang inyong responsiblidad, mas mabuti pang magbitiw na lang kayo sa puwesto. Gets mo?
- Latest