EDITORYAL - Mga pabaya sa trabaho sibakin din sa puwesto
MARAMI pa raw government officials na sisibakin sa puwesto dahil sa madalas na pagbibiyahe sa ibang bansa. Ang masaklap pa, ilan sa government officials na ito ay nagbibiyahe gamit ang pondo ng bayan. Dahil din sa madalas na pagbibiyahe, hindi na natututukan ng opisyal ang kanilang trabaho.
Ang mga sinibak ni President Duterte dahil sa madalas na foreign trips ay sina Presidential Commission on the Urban Poor chief Terry Ridon, Development Academy of the Philipines (DAP) chairwoman Elba Cruz at Marina administrator Marcial Amaro III.
Katanggap-tanggap ang ginawa ni Duterte na pagsibak sa mga opisyal ng pamahalaan na biyahe nang biyahe. Tama lamang ito para magsilbing babala sa iba pang government officials.
Pero mas matutuwa ang taumbayan kung pati ang mga pabayang miyembro ng Cabinet ni Duterte ay sisibakin din sa puwesto. May Cabinet secretary na tila ba dedma na lang sa nangyayari sa kanyang nasasakupan at hindi na gumagalaw.
Isa sa mga nirereklamo ay ang Department of Transportation (DOTr) kaugnay sa madalas na aberya ng Metro Rail Transit (MRT-3). Noong Enero 1, 2018, Bagong Taon, nagkaaberya ang MRT sa Guadalupe Station at pinababa ang mga pasahero. Mula Enero 1 hanggang noong Sabado, pitong beses nang nagkakaaberya ang MRT.
Noong nakaraang taon, 500 beses nagkaaberya ang MRT at sa kabila nito papitek-pitek lang ang DOTr secretary. Ngayong taon na ito, tiyak na marami pang aberya ang mangyayari sa MRT sapagkat walang ginagawang paraan ang secretary para malutas ang problema. Sinuspinde nga ang pabayang maintenance provider noong nakaraang taon pero wala ring nangyari. Patuloy pa rin ang pagdurusa ng daang libong commuters ng MRT.
Marahas si Duterte sa mga opisyal na biyahe nang biyahe, ganito rin ang inaasahang gagawin niya sa mga inutil sa tungkulin, kabilang ang DOTr secretary.
- Latest