‘Pinoy Padala’
NOON, kapag may kaibigang magbabalikbayan ang aking kapatid na nasa Australia, “nakikipadala” siya ng mga pasalubong para sa amin. Pagdating ng kaibigan niya dito sa Pilipinas, magkikita kami sa isang lugar para iabot nang personal ang ipinadala ng aking kapatid. Kung ang kapatid ko naman ang nagbabalikbayan, siya naman ang nagmimistulang messenger ng iba’t ibang padala ng mga kaibigan. Mga dalawang araw o higit pa ang inaaksaya niya sa pagkontak sa mga taong dapat tumanggap ng mga “packages”. Kahit nakaaabala sa kanyang pagbabakasyon, kailangan niyang gawin iyon para makabayad ng utang na loob. Ngunit may isang pangyayari na nagpatigil sa ganitong kalakaran.
Nagbakasyon ang pamilya ng aking kapatid sa probinsiya ng aking bayaw kaya ang “friend” nila na nagmula sa probinsiya rin iyon ay nagpadala ng pera. Nakalagay ito sa sobre na ibinalot sa makapal na papel tapos isinilid sa plastik. Sa hotel muna sila nag-tsek-in. Palibhasa ay alam nilang pera ang laman, ang pagkontak muna sa taong dapat tumanggap ng sobre ang kanilang inasikaso kaysa pamamasyal at pakikipagkita sa mga kamag-anak ng aking bayaw na 20 years na niyang hindi nakita. Kaso halos mapasma na ang daliri ng aking kapatid at bayaw sa pagpindot sa cell phone ay hindi man lang kumiri-ring kahit isang beses ang dalawang cell phone numbers na kanilang kinokontak.
Ang second option nila ay puntahan na ang mismong address na nakasulat sa sobre kahit pa ito ay malayo sa city na kinaroroonan nila. Pero minamalas yata ang “perang padala” dahil hindi nila makita ang address na walang numero, at pangalan lang ng barangay na ang lokasyon ay nasa kabukiran na. Kahit ang pangalan ng taong nakasulat sa sobre ay walang nakakakilala. Sabi nga ni Bayaw, sa sobrang desperado, gusto na nilang tanungin pati ang mga asong nakakasalubong nila.
Itinigil muna nila ang paghahanap upang asikasuhin naman ang dahilan ng pagpunta nila sa probinsiya: pamamasyal at pag-attend sa family reunion. Sa last day ng kanilang bakasyon, binalak ulit nilang kontakin at hanapin ang recipient ngunit nawala ang sobre. Umalis lang sila sandali sa hotel room pero nang bumalik sila ay bukas na ang maletang naka-padlocked. Doon nakatago ang sobre.
Pagbalik sa Australia ay nagpaliwanag sila sa nangyari. Saka lang inamin ng kanyang kaibigan na may kasamang gold necklace ang sobre. Binayaran ng aking kapatid ang nawalang pera. Nang itinanong kung magkano ang gold necklace para kasama rin itong babayaran, hindi siya sinagot ng kaibigan. Ang bayaran na lang daw ay perang nawala. Akala nila ay okey na iyon, ‘yun pala ay hindi. Iyon ang naging simula ng matabang na pakikitungo sa kanila ng kaibigan hanggang sa lumayo na ito nang tuluyan. Naging isang malaking leksiyon ang nangyari sa circle of friends niya kaya pinutol na nila ang ugaling “pagpapadala” sa mga nagbabalik bayan.
- Latest