EDITORYAL - Pilipinas: Ikatlo sa mga bansa na worst polluter
LAHAT na yata nang worst ay kasali ang Pilipinas --- worst airport, worst traffic at ngayon, worst polluter. Ano pa kayang worst ang sasalihan ng Pilipinas sa hinaharap?
Sabi ng environmental group Greenpeace, ang Pilipinas ay ikatlo sa mga bansa na worst polluter ng mga karagatan. Nangunguna ang China at sinundan ng Indonesia.
May katotohanan naman ang paratang ng Greenpeace sapagkat nakikita ang ebidensiya tuwing may may pagsama ng panahon kung saan nagngangalit ang Manila Bay at isinusuka lahat ang mga basurang itinapon ng mga walang disiplina. Noong nakaraang linggo, marami na namang basura ang iniluwa ng dagat sa Roxas Blvd. Sari-saring basura ang binuhat ng alon at tinambak sa baybayin ng Manila Bay. Iba’t ibang basura ang nakita at karamihan doon ay mga plastic --- plastic shopping bags, sache ng kape, shampoo, noodles, candies, plastic bottle at marami pang basura na hindi natutunaw.
Worst polluter talaga ang Pilipinas sapagkat walang political will ang mga pinuno para suwetuhin ang mamamayan sa pagtatapon ng basura. May batas laban sa pagkakalat ng basura pero hindi naipatutupad. Ningas kugon ang mga local officials sa pagpapatupad na huwag magtapon ng basura. Maski ang mga nakasakay sa dyipni o maski sa pribadong sasakyan ay walang patumangga kung magtapon ng kanilang basura sa kalsada --- balot ng hamburger, upos ng sigarilyo, balat ng chewing gum at iba pa. Ginawang basurahan ang mga kalsada ng Metro Manila.
Hangga’t hindi nagiging matigas ang pamahalaan sa mga nagtatapon ng basura, hindi matatapos ang problema sa basura. Kailangang ipasunod ang batas para mapanatili ang kalinisan. Ipagbawal naman sa lahat nang lugar ang plastic bags. Kapag naipatupad, hindi na magiging worst polluter ang Pilipinas.
- Latest