Kukupas din ang popularidad
MARAMI na ang naging Presidente ng bansa at pawang ang mga ito ay naging popular sa publiko sa unang mga taon ng panunungkulan.
Sa aking pagkakatanda, ta-nging si dating Pres. Gloria Macapagal Arroyo ang hindi naging popular sa pagkakaupo sa puwesto.
Ang naging persepsiyon kasi ay inagaw lang ni Arroyo ang puwesto at pinagkaisahan na patalsikin sa puwesto si Pres. Joseph Estrada.
Pero sa aking mga nasubaybayan mula nang magkamalay, sa unang mga taon ni Pres. Ferdinand Marcos ay popular ito sa publiko at sumama lang nang magdeklara ng martial law nang magkaroon ng mga pag-abuso sa karapatang pantao.
Sa panahon ni Pres. Cory Aquino ay popular din ito sa publiko dahil naibalik ang demokrasya sa bansa.
Pero kumupas din ang popularidad ni Tita Cory at nabahiran din ng katiwalian sa kaniyang administrasyon na binansagang Kamag-anak Incorporated.
Pagpasok ni Gen. Fidel Ramos ay popular din pero nakaranas ng financial crisis ang Asya kaya nakaranas ng mas lalong kahirapan ang mga Pilipino. Mayroon din lumutang na umanoy katiwalian tulad ng mga proyekto sa Pampanga at iba pa.
Pagpasok ni Erap Estrada na sobrang popular din ay nangakong walang kamag anak o kumpare ang maaring magsamantala pero kabaliktaran ang nangyari hanggang sa ito ay mapatalsik sa puwesto.
Si Arroyo ay nanatiling unpopular matapos mabunyag ang “Hello Garci tape” at alegasyon ng dayaan sa eleksiyon.
Maging kay Noynoy Aquino ay popular ang mga unang taon sa panunungkulan pero napawi rin ito.
Ngayon kay Pres. Rodrigo Duterte ay lubhang popular din at kahit libu-libo na ang napapatay na drug suspect ay balewala sa publiko.
Pero asahan natin na kukupas din ang popularidad ni Du-terte lalo na ngayong nagpapatuloy ang pagpatay at umano’y pag-abuso ng ilang pulis. Ngayon ay nagsisimula nang magising ang ilang mamamayan sa pagkamatay ng Grade 11 student na si Kian Loyd Delos Santos na kitang-kita sa CCTV na kinaladkad ng mga pulis. Ayon mismo sa mga saksi, inosente ang estudyante.
Anuman ang kahihinatnan ng kaso, asahan natin na unti-unting kukupas ang popularidad ng Presidente. Abangan natin kung saan ito hahantong.
- Latest