Prediksiyon ni Hawking
MAY isang nakakakilabot na prediksiyon ang kilalang atheist British physicist na si Stephen Hawking. Sabi niya, kailangang makapagtayo ng kolonya sa ibang planeta ang mga tao sa loob ng 100 taon dahil, kung hindi, mahaharap sila sa extinction.
Extinction. Ibig sabihin, darating ang panahon na maglalaho ang mga tao sa daigdig dahil sa iba’t ibang kaganapan. Mangyayari rin sa tao ang nangyari sa ibang uri ng mga hayop at tao noong sinaunang panahon na pawang naglaho o napuksa tulad nga ng mga dinosaur.
Dati ay tinaya ni Hawking na mayroon na lamang 1,000 taon ang tao para makapanatili sa daigdig pero ngayon ay pinaikli niya ang taning at ginawa na lang 100 taon.
Ayon sa ulat, takdang ipalabas sa hulihan ng taong ito ang isang bagong BBC documentary na pinamagatang “Stephen Hawking: Expedition New Earth” na rito ay ipiprisinta ni Hawking ang kanyang prediksiyon na mayroon na lang 100 taon ang sangkatauhan bago makapagkolonya ito sa ibang planeta.
Lalo anyang nalalagay sa balag ng alanganin ang daigdig habang tumatagal dahil sa climate change (global warming), pagsalpok dito ng mga asteroid, mga epidemya at paglaki ng populasyon.
Sinabi pa niya sa isang panayam sa BBC na, bagaman mababa ang tsansa ng isang kalamidad sa daigdig sa isang partikular na taon, tumataas ito sa pagdaan ng panahon at nagi-ging nalalapit sa katiyakan sa susunod na libu-libong taon. Sa panahong ito, dapat anyang nakakalat na ang mga tao sa ibang mga planeta sa universe kaya hindi magiging katapusan ng tao ang isang kalamidad sa daigdig.
Bukod kay Hawking, may iba pang malalaking personalidad sa agham at teknolohiya sa daigdig na nagbabala sa mga banta sa pananatili ng tao sa Daigdig. Nariyan ang bilyunaryong si Ellon Musk na nagsabing dapat makipagsanib sa mga makina ang mga tao dahil, kung hindi, mawawalan siya ng kabuluhan sa panahon ng Artificial Intelligence. Ang Alibaba founder na si Jack Ma ay nagbigay ng babala na maaaring maharap ang lipunan sa mga dekada ng “sakit” dahil sa mga gusot na sanhi ng teknolohiya at internet.
- Latest