Parang pelikula lang!
‘Sleeping with the enemy’!
Ang ganitong pangyayari ay madalas na napapanood la-mang sa mga pelikula.
Pero noong Sabado doon nagulantang ang pamunuan ng PNP makaraang mabuko na isang lady police colonel na sinasabing magre-rescue o magtatakas sa mga naiipit na miyembro ng teroristang Abu Sayyaf sa Clarin, Bohol .
Arestado at nakapiit na ngayon sa Camp Crame si Supt. Maria Christina Nobleza kasama ang kanyang driver-lover na si Renierlo Dongon, alyas Kudri , bomb expert ng Sayyaf.
Nasabat sila sa checkpoint habang kasama rin sa itinatakas ang nalalabi pang miyembro ng mga bandidong grupo na naiipit sa operasyon ng awtoridad sa Bohol.
Talaga namang nakakaalarma ang ganitong pangyayari, biruin mong may espiya at taksil na pala sa loob ng PNP na kakunsaba ng ASG.
Hindi lang basta kalabang grupo ang pinoprotektahan ng colonel na ito, mga bandido, dawit sa pagkidnap, pambobomba , pamumugot ng ulo at iba pa.
Nakakatakot hindi ba? Kaya nga ang dapat na maimbestigasyon at masilip ng mga kinauukulan sa pangyayaring ito, baka hindi lang si Nobleza ang ganyan na nakikipagsabwatan na sa mga kalaban.
Baka meron pang mga taksil o traydor ika nga, ng mga kalaban ng pamahalaan na naghahasik ng kaguluhan.
Hindi lang sa hanay ng pulisya, tignan din sa iba pang sangay, maging ilang mga opisyal lalo na sa mga lokal na pamahalaan na dati na ring napaulat na nagbibigay proteksyon sa grupong ito.
Ang hinihintay ng taumbayan ay kung kailan tuluyang masusupil ang mga bandido hindi lang sa Bohol, kundi sa buong panig ng bansa.
- Latest