Nakalilitong ‘modified odd-even’ scheme
Mukhang hindi pa man tiyak kung tuluyang maipatutupad, aba’y inulan na agad ng batikos si MMDA officer in charge at General Manager Tim Orbos kaugnay sa planong ‘modified odd-even’ scheme sa EDSA.
Ito raw sakaling maipaimplementa, makikita ang talagang pagkabawas ng malaki sa volume ng mga sasakyan sa kahabaan ng EDSA.
Mukhang malaking problema talaga ang kinakaharap ni GM Orbos dahil nga sa araw-araw na lang siyang napupuna sa hindi matapus-tapos na trapik.
Sa panukalang modified odd even scheme, aabot sa 2.5 million na pribadong behikulo ang maaapektuhan sa pinalawak na unified vehicular volume reduction program o ang number coding.
Aba’y walang kaduda-duda na posibleng lumuwag nga ang EDSA sakaling ipatupad ang bagong programa na tinaguriang “Windows two”.
Nakapaloob dito na bukod nga sa number coding ang mga pribadong sasakyan ay pagbabawalan din sa loob ng tatlong two-hour intervals na pagdaan sa EDSA tuwing weekdays o Lunes hanggang Biyernes.
Ang mga sasakyang ang plaka ay nagtatapos sa odd numbers (1,3,5,7 at 9) ay ban sa EDSA buhat alas- 7 ng umaga hanggang alas 9 ng umaga; uulit ng ala-1 ng hapon hanggang alas- 3 ng hapon at muling uulit alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.
Habang ang mga even numbers naman (2, 4, 6, 8 ,0) ay ban sa highways mula alas- 9 ng umaga hanggang alas- 11 ng tanghali; alas- 3 ng hapon hanggang alas-5 ng hapon at uulit alas- 7 ng gabi hanggang alas- 9 ng gabi.
Ang tindi di ba?
Bukod sa nakalilito, pakiramdam ng mga motorista mistulang ayaw na silang padaanin sa EDSA.
Magkakaroon lamang ng kalituhan dito, at posible rin umanong lalong magsanhi ng trapik hindi lang sa EDSA kundi maging sa mga secondary road o side street na papasukan ng mga sasakyan sakaling malapit na silang abutan ng windows 2.
Tama lang na konsultahin muna ang ibat-ibang sektor ukol dito at kung maaari nga lang ay huwag na ang ganitong mga nakakalitong pamamaraan kung talagang kailangan nilang magpatupad ng bagong traffic scheme sa mga lansangan.
- Latest