‘NMIS, pukaw na mo!’
MARAMI talagang nangyayaring kababalaghan tuwing gabi. Hindi lang sa mga lansangan bagkus pati na rin sa mga pamilihan.
Kaya sa mga parukyano sa mga night at wet market, mag-ingat sa mga nakalatag na mga karne at mga processed meat product.
Lalo na kapag ang inaalok ay bagsak-presyo, magduda na kayo. Baka nakamura nga kayo pero sakit naman ang dulot sa inyo.
Ito ‘yung mga timplada nang tapa, longganisa, tusino, mga hotdog at iba pang mga kauring produkto na tinanggalan na ng label o tatak.
Sadyang inaalis na sa orihinal na lalagyan at pinalalangoy na lang sa malalaking palanggana o batya na punumpuno ng yelo.
Ang iba naman, aktuwal pa talagang ipinapakitang nakababad sa toyo, suka, paminta at food coloring. Kung hindi mausisa at hindi marunong kumilatis ang bumibili, aakalain mong bago ang mga produkto.
Isa mga senyales na luma o bulok nang karne at mga processed food kapag iniaalok na ng 50% discount kumpara sa totoo nitong presyo.
Kung ikaw ay mahilig sa ganitong uring produkto, tiyak tulo-laway at magkandarapa kang bumili at makipagtawaran pa sa mga mapagsamantalang vendors.
Oo nga naman. Sino pa ba ang mag-aakalang sira at recycled meat products kung ikaw mismo nakikita at naaamoy mo mismo ang mabangong seasoning?
‘Yan ang karaniwang mga itinitinda sa mga night market.
Paglilinaw. Wala namang masama sa night market pero ingat lang dahil ang mga malilikhaing putok sa buho, pilit nakikihalo sa mga matitinong negosyante para magkapera at kumita.
Mukha ‘atang natutulog ang National Meat Inspection Services (NMIS) at sanitation department. Naglipana na naman mga kadiring frozen at processed meat products sa mga pamilihan. Tsk…tsk!
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa iba pang mga palabas, mag-subscribe sa BITAG OFFICIAL YouTube channel.
- Latest