EDITORYAL - Hustisya para kay Emilyn
SUMAKABILANG buhay na kahapon ang 15-anyos na si Emilyn Villanueva, apat na araw makaraang tamaan ng ligaw na bala sa ulo. Hindi na nakayanan ng kawawang dalagita ang bala na bumaon sa kanyang utak. Walang kasingsakit ang nadama ng mga magulang ni Emilyn na ayon sa mga ito ay pangarap maging chef. Ang pangarap na iyon ay biglang pinutol ng bala na pinakawalan ng isang may sa demonyong pag-iisip. Sa kabila na mahigpit na babala at pakiusap, nagpaputok pa rin ang “demonyo” at ang kawawang dalagita na nanonood lamang ng fireworks display sa kanilang lugar sa Malabon ang tinamaan. Ayon sa mga nakasaksi, biglang bumagsak si Emilyn at nang isugod sa ospital, natuklasang may tama ng bala sa ulo. Ilang araw na comatose si Emilyn bago tuluyang namaalam kahapon ng hapon.
Hanggang ngayon, wala pang naaarestong suspect ang Malabon police. Ipinaggigiitan nila na biktima ng away si Emilyn. Dalawang lalaki umano ang nag-away at namaril ang isa na siyang tumama kay Emilyn. Pero sabi ng mga tao sa lugar, walang nangyaring away o barilan sa lugar. Wala raw katotohanan ang sinasabi ng mga pulis.
Sabi naman ni Health Sec. Paulyn Ubial na biktima ng indiscriminate firing si Emilyn. Nagmula sa itaas ang bala at bumagsak sa ulo ng dalagita na naging dahilan ng kamatayan nito.
Katarungan ang hiling ng mga magulang ni Emilyn. Hulihin ang nagpaputok ng baril na tumama ang bala sa kawawang dalagita. Naghihintay naman ang taumbayan kung pananagutin ang Malabon police chief dahil sa indiscriminate firing sa lugar. Sabi ni PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa, mananagot ang hepe ng pulisya kapag nagkaroon ng ganitong insidente.
Ipagkaloob ang hustisya kay Emilyn. Hanapin ang “demonyong” nagpaputok ng baril.
- Latest