EDITORYAL - Dapat taasan pa ng buwis ang sigarilyo
MALAKI ang epekto sa mga nagyoyosi nang ginawang pagtataas ng buwis sa sigarilyo noong 2012. Ayon sa report, malaki ang binawas sa mga nagyoyosi nang magmahal ito dahil sa pinataw na buwis. Noong nakaraang taon, bumaba ng 23 percent mula 31 percent ang tumigil sa paninigarilyo. Nasa walong milyong smokers umano ang nag-quit sa pagyoyosi makaraang itaas ang buwis sa sigarilyo at nadadagdagan pa umano ayon sa Philippine Society of General Internal Medicine.
Nakatulong din umano nang malaki ang paglalagay ng graphic warning sa kaha ng sigarilyo kaya marami ang tumigil sa pagyoyosi. Ang paglalagay sa graphic warning ay nakasaad sa Republic Act 10643 (Graphic Health Warning Law) na nagkabisa noong nakaraang buwan. Kabilang sa mga larawan ng sakit na nasa kaha ng yosi ay kanser sa baga, lalamunan, bibig, pisngi, dila. emphysema, katarata at sakit sa puso. Sa mga bansa sa Asia, ang Pilipinas na lamang ang walang graphic images sa mga pakete ng yosi.
Kung epektibo ang pagtataas ng buwis sa bisyong sigarilyo, dapat patawan pa ito. Kapag pinatawan, magmamahal pa ang sigarilyo at maaaring wala nang bumili. Kapag wala nang bumili, nakakatitiyak nang walang magkakasakit at mamamatay sa pagyoyosi.
Ayon sa Department of Health (DOH), 87,600 Pilipino ang namamatay taun-taon dahil sa mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo. At malaki rin ang nagagastos ng pamahalaan sa mga ospital ng gobyerno na pinagdadalhan sa mga nagkakasakit dahil sa pagyoyosi. Kaya walang pinakamabisang paraan para matigil ang bisyo kundi ang taasan ang buwis nito. Gawin ito para maagapan ang mga bagu-bago pa lamang at nagsisimulang manigarilyo. Kailangang maitigil na ang nakamamatay na bisyo.
- Latest