Isang pirasong ‘pokemon’ card, naibenta sa halagang $54,970
ISANG napaka-rare na Pokemon card ang naipagbenta sa halagang $54,970 (katumbas ng higit sa P2.7 milyon) ayon sa mga organizer ng auction kung saan ipinasubasta ang nasabing baraha.
Binili ang isang pirasong baraha ng hindi na kinilalang collector na taga-Hong Kong ayon sa Heritage Auctions na nagsagawa ng subastahan nito lamang nakaraang Sabado sa Beverly Hills.
Tampok ng baraha ang larawan ni Pikachu na siyang mascot ng sikat na larong Pokemon.
Pambihira ang baraha dahil 39 lang daw ang kopya nito at nasa 10 lang ang nasa magandang kondisyon.
Ang pangunahing illustrator din ng Pokemon na si Atsuko Nishida ang gumuhit ng larawang makikita sa baraha kaya mahalaga ito para sa mga kolektor.
Nagpasya ang dating may-ari ng baraha na ibenta ito nang sumikat muli ang Pokemon nitong mga nakaraang buwan.
Hindi na rin kinilala ang nagbenta, na nasa beinte anyos pataas ang gulang. Bata pa lang daw ay kolektor na ng Pokemon cards ang lalaki.
Unang nakilala ang Pokemon noong 1996 sa Japan at mula noon ay naging sikat na ito sa buong mundo.
- Latest