EDITORYAL - Pagsisiwalat ni Kerwin
NGAYONG araw na ito haharap sa Senado ang suspected drug lord na si Kerwin Espinosa sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa pagpatay sa kanyang ama na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa. Napatay ang mayor sa selda nito sa Baybay provincial jail ng mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong Nobyembre 5. Ayon sa CIDG, magsi-serve sila ng search warrant nang manlaban ang mayor at isa pang inmate.
Subalit kaduda-duda ang mga ginawa ng CIDG at hindi kumbinsido ang mga Senador, particular si Sen. Panfilo Lacson, chairman ng komite na nag-iimbestiga sa pagpatay. Ayon kay Lacson, premeditated ang pagpatay. Pinagplanuhan aniya. Kaduda-duda ang mga pahayag ng CIDG officers. Maraming “butas”. Isa sa kaduda-duda ay nang tawagan daw agad ng CIDG ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) isang oras bago ang nangyaring barilan sa loob ng selda ni Mayor Espinosa. Para raw alam na ng CIDG na may mamamatay. Isa pang nakapagtataka ay nawala ang disc ng CCTV sa jail.
Ayon kay Lacson, malaki ang magagawa ni Kerwin para matukoy ang nasa likod ng pamamaslang sa ama nito. Tiyak daw na maraming nalalaman si Kerwin at makakatulong para tuluyang malutas ang pagpatay at pati na rin ang lumalaganap na illegal drug trade sa bansa.
Nadakip si Kerwin sa Abu Dhabi makaraan ang ilang buwang pagtatago. Matatandaang pinasusuko na siya ng kanyang ama subalit patuloy na nagtago. Hanggang may makakilala sa kanya sa Abu Dhabi at ipinahuli siya sa mga pulis doon.
Sabi ni jueteng whistleblower Sandra Cam, dalawang senador umano ang idinadawit ni Kerwin na nakatanggap ng drug money noong nakaraang eleksiyon. Sangkot din umano ang maraming pulitiko at police officials sa illegal drug trade.
Kung maraming isisiwalat si Kerwin sa Senado, dapat ingatan siya upang hindi matulad sa kanyang ama na “pinatahimik” para wala nang maibulgar na malalaking tao. Siguruhin ang kanyang kaligtasan para ganap niyang mailantad ang mga opisyal na nakikinabang at nagpoprotekta sa illegal na droga.
- Latest