Briton, tumalon sa tore habang hawak ang biskuwit at sinawsaw sa mainit na tsaa na naghihintay sa kanya
KUNG nakagawian na ng mga Pilipino ang pagsasaw-saw ng pandesal sa mainit na kape, pagsasawsaw naman ng biskwit sa mainit na tsaa ang tradisyon ng mga British.
Ito ang ginawa ng 24-anyos na si Simon Berry upang makapagtala ng bagong world record.
Hawak ang isang tsokolateng biskuwit, umakyat si Berry sa tore na 220 feet ang taas at mula roon, tumalon habang may suot na bungee cord.
Sa ibaba, naghihintay sa kanya ang isang mug na may mainit na tsaa na pagsasawsawan niya ng biskuwit.
Hindi madali ang stunt na ginawa ni Berry dahil bukod sa napakataas ng kanyang tinalon, kinailangan din niyang maging asintado sa pagsawsaw sa mug.
Hihigitin kasi siya kaagad pataas ng bungee cord pagda-ting niya sa ibaba kaya kailangang maisawsaw kaagad ang biskuwit.
Nagtagumpay naman kaagad si Berry dahil unang subok pa lang, naitala na niya ang world record.
Kitang-kita sa video footage na kuha mula sa camera na nakasuot sa ulo ni Berry kung paano niya naisawsaw ang hawak na biskuwit sa mug na may tsaa.
Ang stunt na ginawa ni Berry ay isa lamang sa mga bagong world records na naitala bilang bahagi ng Guinness World Records Day.
- Latest