Isdang kasing kulay ng bandila ng Thailand, naibenta ng p75,000
ISANG isda na kasingkulay ng pambansang watawat ng Thailand ang naipagbenta sa halagang 53,500 baht (katumbas ng P75,000).
Kulay asul, pula, at puti ang kaliskis ng isda na katulad ng kulay ng bandila ng Thailand. Isa itong Siamese fighting fish na pinalaki ng breeder na si Kachen Worachai.
Naipagbenta ang isda nang i-post ni Kachen ang larawan ng kanyang isda sa isang Facebook group na para sa mga nagkukoleksiyon ng mga fighting fish.
Inasahan ni Kachen na maibebenta niya ang isda ngunit hindi niya inasahang magiging viral ang larawan at magiging usap-usapan ang kanyang isda.
Hindi rin niya inasahang maipagbebenta niya ito sa malaking halaga kaya sinimulan lamang niya ang bidding sa kanyang isda sa halagang 99 baht (katumbas ng P140).
Kaya naman nagulat siya nang pumalo kaagad sa 10,000 baht ang bid para sa kanyang isda. Sa huli ay nalampasan ng presyo ng kanyang isda ang dating record sa pinakamahal na fighting fish na naipagbenta sa halagang 23,500 baht.
May-ari ng isang convenience store si Kachen at libangan niya lang ang pagiging breeder ng mga Siamese fighting fish.
Ayon sa kanya ay matagal nang sinusubukan ng mga breeder na magpalaki ng isdang kakulay ng watawat ng Thailand ngunit siya pa lang ang masuwerteng nakakagawa nito.
- Latest