^

Punto Mo

Bato, mabilis magparusa sa di-kaalyado!

SUPALPAL - Non Alquitran - Pang-masa

MABILIS na itinapon ni PNP chief Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa ang limang pulis na inakusahang nangotong sa Singaporean national sa Makati City. Umani ng karagdagang pogi points si Bato dahil sa action niya. Si Chief Insp. Sherwin Cuntapay, ang hepe ng intelligence division ng Makati police at apat na tauhan na sina Spo4 Jose Rodriguez Javier; SPO3 Gonzalo Sigabu Acnam; SPO2 Ludivico Lajallab Jaboli, and PO3 Ronnie Enguero Aseboque ay sa kasamaang palad ay nasibak at na-transfer sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM). Hindi pa malaman ni NCRPO director Chief Supt. Oscar Albayalde kung magkano ang natangay sa Singaporean national kung P350,000 ba o P750,000 dahil paiba-iba ang statement ng complainant. Sa totoo lang, itong Singaporean ay hindi marunong mag-Tagalog kaya hindi pa malinaw ang kaso niya laban sa tropa ni Cuntapay. Kahit abo’t langit pa ang pag-deny ng tropa ni Cuntapay, natuluyan silang maitapon sa ARMM dahil mismong si President Duterte ang nakialam sa kaso ng Singaporean national. Ang tanong lang ng mga kosa ko, bakit simbilis ng kidlat itong si Bato na umaksiyon laban sa tropa ni Cuntapay eh dito sa tong collection ng mga mistah niya sa PMA Class ’86 sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), hindi n’ya maikumpas ang kamay na bakal niya? Punyeta! Iwas-pusoy pala si Bato kapag ang sangkot sa corruption ay mga mistah niya, di ba mga kosa ko sa Camp Crame? Tumpak!

Lumutang naman ang kaibigan ko na si ret. Col. Jesus Kabigting kay Albayalde para linisin ang pangalan n’ya sa kaso ng Singaporean national. Ayon kay Albayalde, nakatungkod na ang sakiting si Ka­bigting nang humarap sa kanya para pasinungalingan na sangkot siya sa kaso. Inutusan ni Albayalde si Kabigting na gumayak sa Makati police at magbigay ng kanyang statement para mabura ang tsismis na may kinalaman siya sa kaso. Tumalima naman si Kabigting. Sa totoo lang, itong security agency ni Kabigting ang bantay sa kompanya ng Singaporean sa bansa at malabo pa kung bakit nai-link ang una sa extortion case. Maging si Cuntapay ay hindi kilala ni Kabigting, ayon pa kay Albayalde. Hehehe! Biktima lang ng tsismis si Kabigting na enlisted personnel at nakasama ko sa Gulod detachment sa Sampaloc? Marami ding accomplishments si Kabigting noong aktibo pa s’ya sa PC/INP at PNP at saksi ako rito mga kosa! Hehehe! Sana malinis na ang pangalan ni Kabigting sa kaso ng Singaporean para lalong di lumala ang kalagayan niya, di ba mga kosa ko d’yan na mga retired WPD cops? T’yak ‘yun!

Hanggang sa ngayon, hindi pa na-establish ng mga imbestigador ng Southern Police District (SPD) kung paano nakotongan ang Singaporean national. Kaya lang, habang iniimbestigahan ang kaso, may order na sina Cuntapay at tropa niya na madestino sa ARMM at wala pang balita si Albayalde kung nag-report na sila sa kanilang bagong assignment. Sa tingin ng mga kosa ko, naparusahan na kaagad sina Cuntapay at mga tauhan kahit wala pang ebidensiya na nangotong talaga sila. Hehehe! Kanya-kanyang suwerte lang ‘yan!

Sinabi naman ng mga kosa ko sa Camp Crame na itong extortion kuno ng Makati police at ang tong collection ng PMA Class ’86 sa CIDG ay halos magkamag-anak lang. Bakit si Bato ay umaksiyon laban kina Cuntapay subalit tahimik s’ya sa tong collection ng mistah n’ya na sina Jojo “Imbudo” Caringal, Chief Supt. Eliseo Rasco at alyas Baby M., ang bagman ni ret. Gen. Marcelo Garbo, ang isa sa limang pulis na idinawit ni Digong sa droga? Kailangan pa bang mismong sa bibig ni Digong manggaling ang utos na sawatain ang tong collection ng PMA Class ’86 bago kumilos si Bato na kasing bilis ng kidlat tulad sa kaso nina Cuntapay at tropa n’ya? Kailan kaya mapapansin ni Digong ang tong collection racket ng PMA Class ’86 sa CIDG? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan! Abangan!

NON ALQUITRAN

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with