Ang makeup artist ng mga patay
DATI ay makeup artist lang siya sa isang mumurahing beauty parlor sa kanilang barangay pero ngayon, beautician na siya sa Los Angeles, California USA!!! ‘Yun nga lang makeup artist ng patay.
Ang bestfriend niya na kapareho niyang bading ay nakapag-asawa ng Amerikano. Noong sa New York na naninirahan ang kaibigan, may ipinakilala sa kanyang Amerikano na mahilig makipagrelasyon sa mga bading. Ang relasyon nila ay nagsimula nang dalawin siya ng Amerikano dito sa Pilipinas. Nang magtagal ay nagpakasal sila sa bisa ng same sex marriage. Simula noon sa USA na siya nanirahan.
Palibhasa ay pagpapaganda ng mukha ang kanyang talent, siya ay pinag-aral ng kanyang husband ng funeral cosmetology. Marami na kasi ang makeup artist ng mga buhay pero sa mga patay, kakaunti. Nagkataon kasi na may kaibigan ang husband niya na embalmer. Gusto ng may-ari ng funeral home, ang embalmer ay marunong din sa pagme-makeup or may kapartner siyang makeup artist para isahan na lang ang serbisyong kukunin nila.
Noon, takot siyang tumingin sa patay na nasa kabaong. Pero anong milagro ang nangyari sa kanya at naatim niyang maging makeup artist ng mga patay? Maganda kasi ang kita dito. Per hour ang bayad. Noong 2011, ang average income nila per year ay $26,000 to 34,000.
Pagkatapos embalsamuhin, sa kanya ipapasa ang patay. Lilinisin niya ang katawan at papaliguan ang buhok. May pamilyang sinasabi sa kanya ang style ng makeup na gusto nila. Pero kadalasan ay ipinababahala na lang sa kanya ang pagpapaganda. Sobrang lungkot ng pamilya para makialam pa sa makeup na gagawin sa namatay na kapamilya. Siya ang nagsu-supervise hanggang sa ipasok na ang katawan sa kabaong.
Sa tagal niya sa kanyang propesyon, ang tingin niya sa mga patay na minemek-apan ay isang canvas kung saan maipapakita niya ang kanyang husay sa pagpapaganda ng mukha kahit na ito ay wala nang buhay. Awa naman ng Diyos, laging satisfied ang kapamilya ng pumanaw. Sila ang mga buhay na humahanga sa kanyang talent sa pagpapaganda. Mas lalong nakakataba ng puso kung nakakatanggap siya ng malaking tip. Masasabi niya nang buong pagmamalaki na binubuhay niya ang kanyang pamilya sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga patay.
- Latest