Carabao Man (168)
“HALIKA, Maricel, doon naman tayo sa burol na iyon at tanawin natin ang paglubog ng araw,” sabi ni JP.
“Tena.’’
Doon sa burol giniya ni JP ang kalabaw. Hanggang sa makarating sila sa tuktok. Tanaw na tanaw ang papalubog na araw. Hindi na masakit sa balat.
“Bumaba tayo at doon maupo sa damuhan.’’
“Sige. Paano ako bababa?’’
“Ako muna ang bababa at saka kita aalalayan.’’
Bumaba si JP at pagkatapos ay inalalayan si Maricel sa pagbaba. Nakababa si Maricel. Tinungo nila ang damuhan. Naupo silang magkatabi.
“Ang gandang pagmasdan ng araw. Bolang apoy na unti-unting lumulubog,’’ sabi ni Maricel.
“Oo nga.’’
“Pagkatapos lumubog, muling sisikat sa umaga. Kahanga-hangang creation ng Diyos ano, JP?’’
“Oo.’’
“Parang tao rin ano, sumikat at lumubog at saka sisikat uli.’’
“Ako kaya sisikat uli, Maricel?’’
“Bakit hindi?’’
“Matanda na ako.’’
“Hindi pa.’’
“Siguro mga kabataan na lang ang dapat pumalit. Gusto ko sana, may bagong Paniki-Man.’’
“Madali lang kung yan ang gusto mo, JP. Ako ang bahala. Pero gusto ko, unahin muna ang pagpepelikula ng buhay mo --- Carabao Man.’’
“Ikaw ang bahala, Celimar.’’
“Pagkatapos kong gawin ang Carabao Man, ang Pa-niki-Man naman. Hahanap tayo ng makisig na lalaki na bagay gumanap bilang Paniki Man.’’
“Salamat, Celimar.’’
“Sisikat ka pa rin, JP. Maniwala ka. Parang araw ang buhay ng tao.’’
(Itutuloy)
- Latest