H’wag tantanan ang Abu Sayyaf
DAPAT ay mas lalo pang paigtingin ng militar ang operasyon nito laban sa bandidong Abu Sayyaf.
Ito ay kasunod na pambobomba sa Davao night market na ikinamatay ng 14 katao at ikinasugat ng 71.
Hindi dapat malihis ang atensiyon ng gobyerno laban sa Abu Sayyaf na nagkukuta sa Sulu at inaasahan ng lahat ng tuluyan nang mauubos at mabubura ang bandidong grupo.
Tila hinahamon ng Abu Sayyaf ang gobyerno sa ginawang ito na mismong sa Davao City pa isinagawa ang karahasan at nandun pa si Pres. Rody Duterte.
Ayon sa report, itinanggi ng Abu Sayyaf na sila ang responsable sa bomb attack at kagagawan umano ng nakikisimpatya sa kanilang grupo.
Kahit kaalyado lang o nakikisimpatya sa Abu Sayyaf ang responsable sa bomb attack, panahon na upang tapusin ang problema sa bandidong grupo.
Masyadong malaki na ang ibinigay na sakit ng ulo ng Abu Sayyaf sa gobyerno at nag-akyat ito ng sangkaterbang masamang imahe sa international community.
Samantala, ang komunidad ay maging mapagbantay at makipagtulungan sa gobyerno upang magwakas na ang kasamaan ng Abu Sayyaf.
Kung nahihirapan ang militar na lusubin ang kuta ng Abu Sayyaf dahil may madadamay na sibilyan, makabubuting ang lahat ng inosenteng sibilyan ay palabasin sa Patikul, Sulu at ang maiiwan ay nangangahulugan na bandido kaya bombahin sila at durugin.
Kailangamg pansamantalang magsakripisyo ang komunidad sa Patikul, Sulu at iba pang lugar na posibleng pinagkukutaan ng Abu Sayyaf upang matapos na ang nasabing problema at hindi na makapaghasik ng karahasan sa bansa.
- Latest