‘Kinukuyog si Presidente Digong?’
LAHAT ng mata nakabantay sa bagong halal na Presidente kung paano niya tutuparin ang lahat ng pinangako niya nung siya’y nangangampanya. Ilan dito ay sugpuin ang kriminalidad at matanggal ang droga sa bansa.
Karamihan sa mga mayayaman o may sinasabi sa buhay ay hindi bumoto at ang masa ang lumabas para pumili ng susunod na mamumuno ng bansa.
Nagkaisa silang ihalal si Davao Mayor Rodrigo “Digong” Duterte na bagong Presidente ng Pilipinas.
Isa sa nais niyang ipatupad ay ang curfew tungkol sa mga menor de edad na pakalat-kalat pa sa kalsada pagkalagpas ng alas diyes ng gabi.
Ayon kay Presidente Digong hindi ang mga bata ang kanilang aarestuhin. Matapos mailagay pansamantala sa naatasang ahensiya ng gobyerno ang mga bata ay aarestuhin nila ang mga magulang nito dahil sa pag-aabandona.
May naaresto ng mga magulang nung nakaraang taon sa Davao. Isang grupo ang nagsabing hindi daw dapat isisi sa ina ito dahil sinusubukan nilang gumawa ng paraan para mabigyan ng maayos na buhay ang kanilang mga anak.
Pinag-uusapan na din maging sa ‘social networking sites’ ang tungkol sa pagkakaroon ng ‘liquor ban’ na hanggang ala una na lang ng umaga.
Napakalakas mag-lobby ng mga liquor companies ganun na din ang mga may-ari ng mga night clubs, mga disco, bars dahil alauna pa lang nag-uumpisa ang kainitan ng party.
Siniguro naman ng abogado ni Presidente Digong na pag-aaralan nilang mabuti ito bago ipatupad dahil baka may masagasaan silang mga negosyante.
Tungkol naman sa magiging gabinete ng bagong Presidente, mga bagong mukha ang nakikita namin na sinasabi niyang ilalagay niya sa posisyon. Pero ang balita ko, nagkalat at ang daming nagpunta sa Davao para kausapin siya at mag-apply.
Para bang kinukuyog ang ating bagong Presidenteng Digong.
Isa rin sa nag-aapply ay ang may kaso sa Sandigan Bayan na dating kasama ni Ping Lacson na sinipa niya nang malamang ito pala ay isang ‘smuggler’ ng bigas.
Bakit hindi natin siya pabayaan na mamili ng kwalipikadong tao para sa posisyon at kung sino talaga ang sa tingin niyang karapat-dapat mapabilang sa kanyang gabinete.
Nangiti ako nang malaman kong hating gabi ng makipagkita siya sa media. Hindi ba’t si Erap kung magkaroon ng meeting ang kanyang gabinete ay hating gabi rin?
Oo nga pala maglalagay din daw siya ng Malakanyang sa Visayas. Ano ito papalitan ang konstitusyon at ang gagawing sentro ng gobyerno ay ang Luzon at Visayas?
Bakit hindi na lang kompletuhin at lagyan na din sa Mindanao at tatawagin itong Luzviminda Palaces.
PARA SA ANUMANG REAKSYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest