EDITORYAL - Bigyan ng leksiyon ang mga sutil na bus driver
MALAKING tulong ang nagagawa ng social media para maturuan ng leksiyon ang mga sutil o pasaway na driver na naglalagay sa peligro ng buhay ng mga motorista at pasahero. Nagba-viral sa internet ang mga kuhang video ng mga dyipni at bus na nagpapaekis-ekis ang takbo sa kalsada. Kung hindi sa social media, hindi mapaparusahan ang mga pasaway na driver.
Kahapon, tuluyan nang sinuspinde ang bus driver na si Ruel Labin makaraang ma-videohan ang minamanehong Joanna Jesh Bus na inararo ang mga orange plastic barriers sa EDSA noong Lunes. Halos nagbagsakan lahat at nasira ang plastic barriers nang araruhin ni Labin. Mabuti na lamang at walang sasakyan na naaksidente habang nagbabagsakan ang plastic barriers. Karamihan sa plastic barriers ay tumilapon sa buong lane ng EDSA at ang ilan ay nagpagulung-gulong pa.
Agad kumilos ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para makilala ang driver at operator ng Joanna Jesh. Agad namang sumuko si Labin at nagpaliwanag na ginitgit daw siya ng isang bus kaya nasagasaan ang plastic barriers. Pero sabi ng mga pasahero ni Labin, nakikipagkarera raw ito at mabilis ang takbo kaya nasagasaan ang barriers.
Hindi kinagat ng LTFRB ang alibi ni Labin at agad itong sinuspinde ng tatlong buwan at maaari pang bawian ng lisensiya. Pinagpapaliwanag din ng LTFRB ang operator ng bus company. Sabi naman ng MMDA, babayaran ni Labin ang plastic barriers na ang bawat isa ay nagkakahalaga ng P3,500.
Dapat lamang kastiguhin ang mga bus driver naglalagay sa peligro sa mga kapwa motorista at pasahero. Kung maaari, huwag nang payagang makapag-drive ang mga ganitong klase ng driver. Hindi sila nararapat sa kalsada at sa halip sa bukid sila dalhin para pag-araruhin.
- Latest