EDITORYAL - ‘Kamay na bakal’ sa abusadong taxi drivers
MARAMI nang “sira-ulong” taxi drivers ngayon. Kung umasta sila sa pasahero ay parang hari na nagdidikta. Hindi yata nila nalalaman na kung wala ang pasahero, gutom ang aabutin nila. Sa mga pasahero nanggagaling ang kanilang ikinabubuhay kaya dapat magpakita sila ng kagandahang asal.
Dito lang yata sa bansang ito nangyayari na ang pasahero pa ang naninimbang sa taxi driver. Ang pasahero pa ang lumalabas na nakikiusap sa driver para maihatid sa pupuntahan. Kung ayaw niyang maghatid sa sinabing addesss ng pasahero, hindi siya mapipilit. Lalo na nga kapag ang lugar na pupuntahan ng pasahero ay matrapik. Sorry na lang ang kawawang pasahero. At kung sakali at pumayag ang taxi driver na ihatid ang pasahero, ipipilit niyang huwag nang i-metro at bayaran na lamang siya sa pagkakasunduang pasahe. Walang magawa ang pasahero kundi pumayag. At kahit napagkasunduan na ang dapat bayaran, ang abusadong taxi driver, hihirit pa nang tip. At kapag hindi nabigyan ng tip, dito na magsisimula ang pagti-trip ng drayber. Mumurahin at pagbabantaan ang pasahero.
Ganito ang nangyari sa isang babaing pasahero at pamangkin nito na sumakay ng taxi sa North EDSA at nagpahatid sa Ortigas kamakailan. Hu-mihingi ng P50 na dagdag ang drayber na nakilalang si Rolando Camara pero hindi binigyan ng pasahero. Nagalit at pinagmumura ni Camara ang pasahero Nakunan ng video ang pagmumura ng driver at nag-viral sa social media. Inireklamo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at sinampahan ng kaso.
Nag-viral din ang pagmumura ng taxi driver na si Roger Catipay na binantaan din ang babaing pasahero na sasaktan. Inireklamo rin sa LTFRB at sinuspinde rin ang magaspang na driver.
Ang matindi ay ang ginawa ng taxi driver na si Manuel Publico sa kanyang pasaherong seaman na tinangka niyang tagain ng samurai. Nasugatan ang pasahero sa kamay. Hindi nagkasundo ang dalawa sa pasahe kaya pinababa ang seaman. Nang ayaw bumaba, sinamurai niya ang seaman. Naawat lang ito nang sumaklolo ang bystanders. Sinampahan ng kaso ang driver at nakakulong na.
Umaksiyon sana agad-agad ang LTFRB sa mga pasaway na taxi drivers. Hindi sana ningas-kugon ang kanilang ipinakikitang pagsuweto sa mga ito. “Kamay na bakal” ang ipalasap. Kasuhan at ipakulong ang mga abusadong driver.
- Latest