EDITORYAL – Iprayoridad ng PCSO ang mga dukha hindi ang mayaman
SA nangyayaring kontrobersiya ngayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kung saan hindi nila napaprayoridad ang mga mahihirap, tila lumilihis sila sa tunay na layunin kung bakit itinatag ang institusyong ito. Sa charter ng (PCSO), prayoridad na tulungan ang mga taong walang magastos, maibayad o walang mapagkukunan ng pera para sa kanilang medical bills. Kabilang sa mga taong ito ang mga tinatawag na indigent o ang mga dukhang-dukha. Sila ang nararapat unahing tulungan ng PCSO.
Pero hindi ganito ang nangyayari sa PCSO batay sa natuklasan ng mga kongresista. Mga mayayaman at may kakayahang magbayad sa ospital ang inuunang aprubahan ng PCSO. Ayon sa report, milyong piso ang ipinagkakaloob sa mga mayayamang pasyente na nasa mamamahaling ospital samantalang karampot na subsidy ang pinagkakaloob sa mga mahihirap na pasyente o ang mga walang-walang pampaospital. At ayon pa sa report, matagal pa ang pagproseso ng karampot na ipinagkakaloob ng PCSO sa mga maralitang maysakit.
Ang ganitong pamamalakad sa PCSO ang naging dahilan kaya nagpatawag ng hearing ang Kongreso noong nakaraang linggo. Ayon sa games and amusement committee na pinamumunuan ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. dapat maging totoo ang PCSO sa hangarin nitong ang unang tutulungan ay ang mga maralita na walang kakayahang magbayad sa kanilang pagpapagamot.
Pinangaralan ni Barzaga si PCSO General Ma-nager Jose Ferdinand Roxas tungkol sa nangyayaring “palakasan” sa ahensiya. Marami sa mga kongresista ang nagsabing kaya nilikha ang PCSO ay para matulungan ang mga maralita at hindi ang mga nakaririwasa sa buhay. Hindi raw dapat unahin ng PCSO ang mga mayayamang pasyente.
Depensa naman ni Roxas, wala raw diskriminasyon sa pagbibigay ng medical benefits. Lahat daw ay kanilang tinutulungan. Wala rin daw palakasan sa ahensiya.
Dapat palawigin pa ang pag-iimbestiga ng mga mambabatas sa mga nangyayari sa PCSO. Noon pa, marami nang nagrereklamo na ilang araw sila sa pagpila sa PCSO para makahingi ng tulong na kakarampot. Malaki ang paniwala nilang may “palakasan” sa ahensiya at ang kawawa ay ang mga dukha na dapat ay unang makalasap ng tulong. Huwag naman sanang pagkaitan ang mga nangangailangan.
- Latest