EDITORYAL - Kaya pala hindi malutas drug problem sa bansa…
KAYA naman pala hindi malutas ang problema sa illegal drugs sa bansa ay dahil protektado ito ng mga mismong huhuli sa drug traffickers, Kaya pala kahit sunud-sunod o araw-arawin ang pagsalakay sa shabu laboratories ay hindi pa rin maubos ang illegal na droga. Sa halip na mabawasan ang shabu, lalo pang dumami sapagkat protektado ng mataas na pinuno ng drug enforcement.
Noong nakaraang linggo, sunud-sunod ang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at nakalambat ng kilu-kilong shabu at nakaaresto ng mga Tsinoy drug traffickers. Nakakumpiska ng 36 na kilo ng shabu sa isang warehouse sa Valenzuela at nakaaresto ng dalawang Tsinoy. Sumunod na araw, nakakumpiska ang PDEA ng 30 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P150 milyon sa Araneta Ave. corner Ramon Magsaysay Blvd. sa Maynila.
At kahapon, mas matindi ang nahuli ng PDEA sa isinagawang drug operations sa Sta. Cruz, Manila sapagkat mismong kasamahan nila ang naaresto. Maski ang mga PDEA agents ay hindi makapaniwala na ang kanilang mabibitbit ay dating hepe ng special unit ng PDEA.
Inaresto nila si Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino at nakasamsam ng 64 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P320 million. Ayon sa report, nagpapaliwanag pa si Marcelino na kaya umano naroon siya sa lugar ay dahil lehitimo ang kanyang operasyon, pero itinanggi naman iyon ng mga matataas na opisyal ng PDEA at maging ng Armed Forces of the Philippines.
Ngayon ay masasabing mahirap na talagang lutasin ang problema sa illegal drugs sa bansa sapagkat ang mismong huhuli sa drug traffickers ay protector pala ng sindikato. Maaaring hindi lamang si Marcelino ang gumagawa ng ganitong masamang gawain. Marami pa. Dapat linisin muna ng PDEA ang kanilang hanay. Kapag nalinis na, saka pa lamang masasabi na ligtas na ang bansa sa bagsik ng illegal na droga.
- Latest