‘Kawawang sektor’
OFW ang sektor na pumapangalawa sa mga magsasakang ‘hampas-lupa’ sa pinaka-kawawa sa bansa.
Hindi dahil hindi sila binibigyan ng ayuda o tulong-pinansyal ng gobyerno bagkus hindi sila tinatratong maayos ng kasalukuyang administrasyon.
Lamig ang kanilang pakikitungo. Hindi makitaan ng malasakit sa mga modernong bayani. Kung mayroon man, pagmamaliit at pagbabalewala sa kanilang kontribusyong nagpapalutang ng ating ekonomiya.
Sumingaw ito noong kasagsagan ng isyu ng balikbayan box sa Bureau of Customs na nasa ilalim ng pangangasiwa ni Commissioner Albert Lina.
Hindi pa man natatapos ang kontrobersiyang ito, sumunod naman ang tanim-bala sa NAIA na nagdulot ng miserableng buhay sa mga nabiktimang OFW.
Nag-iwan din ang ‘tanim-bala’ ng pangit na panlasa sa bibig ng mga dayuhan at malaking kahihiyan sa NAIA na isinunod sa pangalan ng ama ng presidenteng si PNoy.
Hindi pa rin nalilimutan ng mga OFW at ng kanilang mga kaanak ang pagmamalupit at kabastusan ng BOC.
Dahil laging bagsak ang koleksyon ng ahensya, ang nakitang paraan ni Lina, butawan at gatasan ang mga pobreng manggagawa sa ibang bansa na nagpapadala sa kanilang pamilya.
Nitong pagpasok ng taong 2016, may bagong modus na naman sa NAIA na parehong nasa pangangasiwa ni MIAA Chief Angel Honrado na pinsan ni Pangulong Noy.
Nagkalat ang sangkaterbang mga dorobong taxi driver na nananamantala ng mga OFW at mga turistang dumarating sa Pilipinas. Tinataga ang pamasahe at hindi gumagamit ng metro.
Palibhasa hindi nare-regulate ng airport management, ang mga kolokoy na taxi driver gusto lagi, kontrata.
Lahat nang pagbabalahurang ito ng gobyerno sa OFW ay kinahinatnan lamang ng paglalagay ni Pangulong Aquino ng tao sa pwesto sa ngalan ng reward o pabuya.
Iniluklok sa pwesto kahit walang kakayahan. Wala na ngang alam mamuno, wala pang alam sa pangangasiwa at pamamahala. Tsk…tsk!
Iba talaga kapag trapo ang lider. Kesahodang walang kapabilidad mamuno sa isang ahensya o departamento ang isang indibidwal, basta tapat at malapit sa kaniya, pilit pa ring iuupo.
Hindi lang sa NAIA ‘yan. Kundi ganundin sa DA, DOTC, DBM, DOE at ang isa pang humahabol sa listahan ng kahihiyan, ang SSS.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest