Tips sa naiinis at nagagalit
LAHAT nang tao ay may pagkakataong naiinis o nalulungkot sa buhay. Ganyan ang buhay. Minsan ika’y nasa itaas, minsan nasa ibaba.
Bilang doktor, alam ko na kapag may kaaway, maraming galit, inis at hindi pagkakaintindihan ang nangyayari.
Heto ang payo ni Dr. Norman Vincent Peale, ang sumulat ng maraming libro ukol sa positibong pananaw (positive thinking).
1. Pag-aralan mong maigi ang sitwasyon. May nagawa ka bang pagkakamali? Kung mayroon ay magpakumbaba ka at aminin ang iyong kasalanan. Sabihin ang totoo para mawala ang bigat sa iyong dibdib.
2. Pag-isipan ng mahinahon at walang halong galit ang mga paratang na binabato sa iyo. Tunay ba ito o hindi? Kung hindi naman tunay ay kalimutan mo na iyan. Huwag mo nang pansinin.
3. Sino ang nagsasalita laban sa iyo? Importante ba ang opinyon nitong tao? May galit ba siya sa iyo o gusto lang niya makatulong? Pakinggan mo lang ang mga payo ng mga nagmamalasakit sa iyo.
4. I-respeto ang mga taong nakasakit sa iyo. Patawarin mo sila at maging mabait ka pa rin. Sa ganitong paraan, hindi na lalaki ang away.
5. Humingi ng payo sa pamilya at mga matalik mong kaibigan. Pagkatapos ay timbangin mo kung tama ang kanilang payo sa iyo.
6. Huwag na huwag daanin sa init ng ulo. Pilitin gamitin ang tamang pag-iisip para maabot ang tamang desisyon. Kung galit ka pa, maghintay muna ng isang araw bago isipin muli ang isyu.
7. Tanungin ang sarili, “Masaya ba ako sa aking pagkalungkot o pagkainis?” May taong mahilig mag-self pity, kung saan kinaaawaan nila ang kanilang sarili. Hindi ito maganda. Iwaksi ito sa isipan.
8. Magpatawad at magpatawad. Kung may taong nakasakit sa iyo, ipasa-Diyos mo na lang. Hayaan mo na lang na iba ang makaaway niya. Huwag mo na lang pansinin.
9. Ipagdasal ang mga nakasakit sa iyo. Hindi nangangahulugang kailangan mo silang mahalin. I-respeto mo lang. Gawin mo pa rin ang proyekto mo, at hayaan mong gawin niya ang trabaho niya.
10. Ipasa mo ang iyong problema sa Diyos. Tutulungan ka ng Diyos na pasanin ang mga dinadamdam mo. Maya-maya, hindi mo namalayan ay gumagaan na ang iyong pakiramdam. Magiging masaya at matagumpay ka na muli!
- Latest