‘Poe sa second round’
PANALO si Poe! Hindi sa pagka-Presidente pero sa pangalawang round ng kanyang laban tungkol sa mga kinakaharap niyang ‘disqualification cases’.
Pinagtibay ng Korte Suprema ang dalawang ‘Temporary Restraining Order’ (TRO) sa disqualification cases ni Sen. Grace Poe. Ibig sabihin hindi pwedeng tanggalin ang pangalan niya sa listahan ng Commissions on Elections (Comelec) bilang kandidato sa darating na Halalan 2016.
Ang resulta ng botohan sa ginawang ‘en banc session’ ay 12-3 sa inilabas na TRO ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno nung Disyembre 28, 2015.
Kung nanalo sa puntong ito si Sen. Grace at may bisa ang TRO hangga’t walang inilalabas na order na ito’y pinawawalang-bisa o kinakansela ng Korte Suprema ay mananatiling nakasulat ang pangalan niya bilang opisyal na kandidato sa pagka-Pangulo sa balota na nakatakdang iimprenta sa Pebrero.
Lulusot pa kaya si Sen. Grace pagdating ng ‘oral arguments’? Sa Enero 19 sa ganap na alas-dos ng hapon na ang nakatakdang araw para dito at malalaman na kung ano ang magiging desisyon tungkol sa kaso ni Sen. Grace.
Ang oral argument na gaganapin ay tungkol sa pagkwestyon ni Rizalito David sa ruling ng Senate Electoral Tribunal (SET) na isa daw natural-born Filipino citizen si Sen. Grace.
Magandang balita ito para sa Senadora pero kapag lumabas na ang pinal na desisyon na nasisiguro ko namang hindi na magtatagal dahil nalalapit na ang eleksyon. Papanig kaya ito sa kanya? Makakaabot kaya siya sa ‘finish line’ sa tinutumbok niyang pagtakbo?
Naghain din ng petisyon ang abogado ni Sen. Grace para ma-inhibit sina Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justices Teresita Leonardo-de Castro at Arturo Brion pero hindi siya pinagbigyan ng mga ito.
Sa dulo nito dapat pa ding masunod ang batas ng bansa dahil kung may isang makakalusot dito aalma ang iba. Maganda na ding hindi nag-inhibit ang tatlong Justices para mas mapakinggan sila pagdating sa oral argument.
Kung ano ang punto nila sa hindi pagpanig kay Sen. Grace at kung ano ang nakikita nilang problema kung bakit hindi sila ayon sa boto at kagustuhan ng mga kasamahan.
Puspusan pa din sa paghahanap ng posibleng kamag-anak si Sen. Grace dahil alam niyang ito lang ang makakapagpatunay na siya’y natural-born citizen. Dapat niyang maipakita na ang kanyang mga magulang ay Pilipino at hindi tulad ng haka-haka ng iba na ito’y ibang lahi.
Sa huling pananalita hindi kaya ang gusto ng kampo ni Poe ay patagalin ang pagresolba ng isyu ng kanyang disqualification cases para manatli ang kanyang pangalan sa balota. Kapag ito’y hindi pa nareresolba at siya’y manalo sa eleksyon sa prinsipyo ng ‘Vox Populi... Vox Dei’ o ang tinatawag na ‘the voice of the people is the viuce of God’ dahil siya’y nanalo at ito’y nakasulat sa ating konstitusyon na ang tinig ng mamamayan ang siyang mangingibabaw sa lahat.
Paano naman yung tinuringang ‘Dura Lex, Sed Lex’ ang sinasabing ‘the law maybe harsh but that is the law’. Marahas man ang batas, ito ang batas na ang sinumang hindi natural born Filipino ay hindi maaaring manungkulan bilang Presidente ng Republika ng Pilipinas o ang pinakamataas na pwesto sa ating bansa.
PARA SA ANUMANG REAKSYON, sa mgabiktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest