Sir Juan (91)
“SALAMAT po Sir Juan sa pag-aalala mo,” sabi ni Mahinhin at tumungo.
“Nang malaman kong umalis ka, agad kong naitanong sa sarili kung saan ka titira. Di ba ang hirap humanap ng matitirahan ngayon?”
Tumunghay si Mahinhin. Medyo namasa ang gilid ng mga mata.
“Mabuti nga po at pumayag ang may-ari ng KOLEHIYALA na dito na rin ako matulog. Naaawa po sa akin.’’
“Kung hindi pumayag na dito ka matulog, saan mo sana balak tumira?’’
“Wala po akong maisip nang panahong iyon.’’
“Hindi mo naisip na bumalik sa boarding house ko?’’
“Hindi po. Kasi nga po sabi ni Nectar ay baka kung ano ang gawin mo sa akin. Huwag na raw po akong magpakita sa iyo. Mas mabuti raw na umalis na lamang ako.’’
“Hindi maganda ang ginawa ni Nectar sa’yo. Kinawawa ka, Mahinhin.’’
Napahinga nang malalim si Mahinhin.
Napagmasdan ni Sir Juan ang mga mapupulang pantal sa braso ni Mahinhin.
“Ano ang mga pantal sa braso mo Mahinhin?’’
Tiningnan ni Mahinhin ang braso at saka ikinubli.
“Ah kagat po ng lamok. Marami pong lamok dito.’’
“Mabuti at di ka nagka-dengue.’’
“Awa po ng Diyos ay hindi naman.’’
“Naaawa ako sa’yo Mahinhin. Napakasama ng ginawa sa’yo ni Nectar.’’
“Pero napatawad ko na po siya, Sir Juan. Wala po akong hinanakit o anumang galit sa kanya.’’
Humanga si Sir Juan sa ipinakitang kabaitan ni Mahinhin. Sa kabila na inapi-inapi o binully-bully ni Nectar ay wala pa ring sama ng loob. Nakakahanga ang babaing ito. Bihira na ang ganitong tao na madaling magpatawad sa nagkasala sa kanya.
Hanggang sa maisip ni Sir Juan na dapat na silang lumabas sa sekretong lungga.
“Halika na, Mahinhin, lumabas na tayo rito,” hinawakan niya ang kamay ni Mahinhin. “Siguro naman, wala ang mga pulis.’’
“Saan po tayo pupunta, Sir Juan?’’
(Itutuloy)
- Latest