Maliit na gadget, puwedeng pamalit sa washing machine
MAARING wala nang gumamit ng mga washing machine sa hinaharap dahil sa isang bagong imbentong gadget na inimbento para sa paglalaba.
Kasinlaki lamang ng isang sabon ang gadget na tinaguriang “Dolfi” ngunit kasinggaling nito ang mga washing machine sa pagtanggal ng mantsa sa damit.
Madali lang gamitin ang “Dolfi” dahil kailangan lamang na ilagay ito sa lababo o sa balde na puno ng tubig kasama ng detergent at ng mga damit na kailangang labhan. Kapag in-on na ang “Dolfi” ay gagawa ito ng mga ultrasonic waves na magpapabula sa tubig. Ang puwersa mula sa mga bula ang magtutulak sa detergent papunta sa mga damit at mag-aalis ng mga nakadikit na dumi at mantsa.
Tipid din sa oras ang paggamit ng “Dolfi” dahil tatagal lamang ng 30 minuto ang paglalaba gamit ito. Ipinagmamalaki rin ng imbentor nito na si Lena Solis na mas mabuti para sa damit ang “Dolfi” dahil hindi nito masyadong mapupuwersa ang hibla ng mga damit kaya mas maliit ang tsansang mapinsala ang mga ito. Inimbento rin ni Solis ang “Dolfi” para sa mga mahilig maglakbay, na ngayon ay magkakaroon na ng kakayahan na labhan ang kanilang mga damit kahit saan man sila mapadpad sa pamamagitan ng kanyang imbensiyon.
Hindi pa ipinagbebenta ang “Dolfi” sa publiko ngunit inaasahang nasa $109 (katumbas ng higit sa P5,000) ang magiging presyo nito kapag inilabas na sa pamilihan.
- Latest