Walang kadala-dala!
Sa kabila na bumaba sa 44 percent ang bilang ng mga nasugatan sanhi ng paputok sa ginawang pagsalubong sa Bagong Taon, masasabing marami pa rin ang walang kadaladala sa paggamit ng mga delikadong firecrackers at fireworks.
Sa tala ng DOH, umakyat na sa mahigit sa 450 ang bilang ng fireworks at firecrackers related injuries kaugnay sa pagsalubong sa taong 2016.
Sumasaklaw ito mula Dec. 21, 2015 hanggang Jan. 1, 2016 pa lamang. Matatapos ang pagbilang ng DOH hanggang bukas, Jan. 5 , kaya posibleng tumaas pa ito.
Gayunman, mas mababa pa umano ang bilang na ito, kumpara noong magdiwang ng Bagong Taon 2014.
Pero eto nga ang nakakaalarma, pumalo naman sa 42 katao ang naging biktima ng stray bullet o tinamaan ng ligaw na bala sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Talagang marami ang pasaway at mga taong walang pakialam sa mga taong kanilang masasaktan.
Kaya nga sa pakikipagtulungan ng mga mamamayan na kilalanin o ituro ang mga nasumpungan nilang nagpaputok ng baril ay malaking tulong sa awtoridad para malutas ang ganitong uri ng mga kaso.
Sa mga fireworks at firecrackets related injuries naman, piccolo pa rin daw ang nangungunang nakakasugat lalu na sa mga bata.
Kaya nga ang plano mg DOH tuluyan nang i- ban ang pagpasok ng piccolo sa bansa.
Kung may ganitong mga plano dapat ngayon pa lang sana ay mapag-ukulan na ito ng sapat na panahon na maisakatupara at huwag nang hintayin pa uli ang susunod na pagdiriwang ng Bagong Taon.
Ang nangyayari kasi kung kailan lang mainit ang usapin ukol dito, saka lang natuturukan at kapag lumamig na, lumalamig na rin ang mga pag- aksyon.
Ngingas - kugon sa maikling salita kaya marami ang bumabalewala.
- Latest