Pating na glow in the dark, nadiskubre sa Pacific Ocean
NADISKUBRE ang pinakakakaibang pating sa mundo – ang ninja lanternshark.
Hindi kalakihan ang nasabing pating na umaabot lamang sa kalahating metro ang haba. Ngayon lamang nadiskubre ito dahil nakatira ito ng humigit-kumulang isang kilometro sa ilalim ng Dagat Pasipiko.
Walong ninja lanternsharks pa lamang ang nahuhuli simula noong 2010 at kamakailan lang nakumpirma na isang bagong uri ng pating ang mga ito.
Pinangalanang ninja ang pating dahil sa itim nitong balat na nakakatulong sa pating upang hindi ito makita sa pinakamalalalim at pinakamadidilim na bahagi ng karagatan kung saan ito naglalagi.
Tinagurian din ang pating na lanternshark mula sa kakayahan ng balat nito na magliwanag na parang isang lampara.
Pawang mga batang edad 8 hanggang 14 ang nagbigay ng pangalan sa bagong diskubreng pating kaya naman tunog pambata ang dating nito.
Lubha kasing namangha sa kakaibang pating ang mga nakakabatang mga pinsan ni Vicky Vasquez, isa sa mga nagsasaliksik na nakadiskubre sa ninja lanternshark, kaya sila na ang nagbigay ng “cool” na pangalan nito.
May scientific name na Etmopterus benchleyi ang ninja lanternshark. Hinango naman ang pangalang ito mula sa pangalan ng manunulat na si Peter Benchley na may-akda ng nobelang pinagbasehan ng sikat na pelikula noong 1970s na Jaws na tungkol sa isang mabangis na pating.
- Latest