Bacteria na nagdudulot ng food poisoning
NGAYONG Bagong Taon, marami tayong pupuntahang handaan at kainan. Kung hindi maayos ang paghahanda ng pagkain, puwede tayong magka-LBM. Kapag nag-LBM, ang agad nating naiisip ay kung ano ba ang ating nakain. Baka kaso na ito ng food poisoning.
Nagkakaroon ng food poisoning kapag nakakakain tayo ng pagkaing kontaminado ng bakterya. At talaga namang hirap na hirap ang pakiramdam ng pasyente. May pananakit ng tiyan, pagduduwal, pagtatae, at lagnat – parang mga sintoma ng tinatawag nating “stomach flu”. Pero kung ang inyong anak at ang iba pang kaklase o kalaro ay magkakapareho ng sintoma (at lahat sila ay nakakain ng kontaminadong pagkain), mas malamang na food poisoning ito. Tandaan na ang bakterya na nagdudulot ng food poisoning ay hindi nakikita ng ating mga mata, hindi naaamoy, at hindi nalalasahan. Kaya naman hindi natin alam kung kasama na nating nakain ang mikrobyo. Wala tayong kamalay-malay na nakapasok na pala ang mikrobyong nagdudulot ng food poisoning. Halimbawa ng mikrobyong karaniwang may dala ng food poisoning ay ang Staphylococcus aureus at Salmonella. Madaling nakaka-recover kung ito ang mga mikrobyong sanhi.
Ang bakteryang nagdudulot ng nakamamatay na food poisoning ay ang Clostridium botulinum. Karaniwang nakatira ang mga mikrobyong ito sa lupa at tubig. At hindi agad na makukuha ito sapagkat nangangailangan ito ng espesyal na kondisyon para magparami sa katawan. Ang mga mikrobyong ito ay madaling magparami kung walang oxygen.
Botulism ang tawag sa food poisoning na ito at talaga namang delikado sapagkat naaapektuhan nito ang ating nervous system – nagdodoble ang paningin ng pasyente, nahihirapang lumulon at huminga, at parang pumupungay ang mata (droopy eyelids), na may kasamang pagsusuka, pagtatae, at pananakit ng tiyan. Lumalabas ang sintoma 18-24 oras matapos makakain ng kontaminadong pagkain, at puwedeng magtagal ng ilang linggo o buwan. Kung hindi gagamutin ng tama, puwede itong makamatay.
Paano ba lulunasan ang food poisoning?
Sa nakararaming kaso nito, ang kinakailangan lamang ay pansamantalang ihinto ang pag-inom at pagkain. Maski naman ang mga baby at bata ay kayang tagalan na hindi muna kumakain sa loob ng 3 hanggang 4 na oras. Ngayon, kung makakakita na ng mga sintoma ng dehydration, kumunsulta na sa doctor. Sabihin sa doctor kung ano ang nakain ng bata bago lumabas ang mga sintoma
Ipagbigay-alam agad sa doctor kung makakaranas ang bata ng ganito: 1) Matinding pagtatae na halos tubig na ang inilalabas; 2) May mga senyal na ng dehydration gaya ng tuyong labi, lubog na mata, walang luha kapag umiiyak, walang ganang kumain, irritable, o antok na antok palagi ang bata; 3) Biglang nanghina, namanhid ang bata o kaya mukha itong di-mapakali at confused, o nahihirapang huminga, o parang lasing.
Depende sa pagsusuri ng doctor kung kakailanganing bigyan ng antibiotiko ang pasyente (depende rin yan kung na-identify na ang mikrobyong may dulot ng food poisoning). Karaniwan na kaya sila nako-confine sa ospital ay para palitan ang likidong nawala sa katawan. Kung kayang uminom ng oral rehydration solution, gaya ng hydrite at oresol, mas malaking tulong. Ito kasi ang mga tulong na parang may nakakabit ka na suwero sa katawan.
Makabubuti kung maingat ang paghahanda ang pagkain.
- Latest