Pulse Asia sinisiraan?
NAGTAAS nang kilay ang ilang political observer dito sa huling survey ng Pulse Asia kung saan ang ilang kandidato ay biglang buma-ngo samantalang ang iba naman ay dating nasa dulo subalit pumasok na sa winning circle sa darating na 2016 elections. Nag-iwan ng pagdududa at malalim na katanungan ang resulta ng survey noong Dec. 4-11 dahil sa umugong na balita na nagbayad ng milyon ang mga kandidato na biglang “bumango” sa mga botante. Totoo kaya ang kumalat na balita na may tatlong opisyal ng Pulse Asia ang nagmaniobra para umangat ang rating ng mga kandidato sa survey na isinagawa nila? Ano sa tingin n’yo mga kosa? Ang balita pa may isang opisyal na kusang nag-delay ng tabulation ng numero sa Luzon bunga umano sa discrepancy bago inilabas ang resulta? Nagtaka umano ang ilan pang matitinong opisyal ng Pulse Asia kung bakit tumaas ang rating ng ilang kandidato na kabaligtaran sa resulta na hawak nila. Ano ba ‘yan? Punyeta! Mukhang may gusto lang manira dito sa Pulse Asia?
Ang ibinigay na halimbawa ng mga kosa ko ay itong tsansa ni senatoriable Win Gatchalian na biglang pumasok sa Magic 12. Sa totoo lang, itong si Gatchalian ay nagsagawa ng special operations sa Visayas at Mindanao subalit, ayon sa mga kosa ko, hindi pa ito sapat para umakyat siya sa Magic 12. Ang balita na kumakalat ay nagbayad si Gatchalian ng halagang P5 million para gumanda ang acceptance rating. Si Vice Pres. Jejomar Binay naman ay nagbayad umano ng P100 milyon bilang “mind conditioning” sa mga botante mula nitong buwan hanggang sa election sa Mayo. Kaya hayun, bumalik na naman sa No. 1 sa pagka-presidente si Binay. Punyeta! Malayo pa ang election pero aktibo na ang spy war department ng mga kandidato, di ba mga kosa? Tumpak!
Sinabi ng mga kosa ko na ang kadalasang umaangat sa survey ay ‘yaong mga kandidato na may malakihang war chest. Subalit ang mga walang pondo ay halos hindi mo na makita ang mga pangalan sa mga diyaryo, at TV at hindi rin nababanggit sa radio. Ibinigay ng mga kosa ko na halimbawa ay si Manila Vice Mayor Isko Moreno na biglang lumayo ang tsansang manalo dahil nasa 19 na sIya sa huling Pulse Asia survey. Kaya biglang naglabasan ang mga TV ads ni Isko para umangat na naman ang rating niya sa susunod na survey, di ba mga kosa? Sa totoo lang, may 89 kandidato para sa Senador sa darating na 2016 elections, subalit iilan lang o halos 13 lang ang binibigyan ng tsansang manalo.
Siyempre, ang palaging nangunguna sa survey ay si Sen. Tito Sotto bunga sa exposure n’ya sa noontime show na Eat Bulaga. Kahit sinong kandidato na halos araw-araw sa TV ay tiyak mananalo, hindi lang dahil sa name recall kundi bunga sa matagalang exposure, di ba mga kosa? Kung sabagay, ang nasa Magic 13 ng huling Pulse Asia survey ay halos lahat active at dating senador din. Punyeta! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Bunga sa kumakalat na balitang minaniobra ang huling Pulse Asia survey, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang mga opisyales ng naturang kompanya, ayon sa mga kosa ko. Hindi lang alam ng mga kosa ko kung may in-house investigation na ukol dito. Pero dapat gumawa na ng hakbangin ang Pulse Asia officials para masawata ang negatibong balita na ito dahil malaki ang magiging epekto nito sa susunod nilang survey, di ba mga kosa? Iginiit naman ng ilang kosa ko na ang resulta ng huling Pulse Asia survey ay halos parehas lang sa lumabas sa latest Social Weather Station (SWS). Bakit walang kumukuwestiyon sa SWS survey? ‘Yan ang tanong nila. Bukas ang Supalpal sa panig ng mga opisyal ng Pulse Asia tungkol sa sigalot na ito. Abangan!
- Latest