Ang mga naglalakad na puno sa Ecuador
ANG mga puno na may scientific name na Socratea exorrhiza ay tinaguriang walking palm dahil sinasabing ito lamang ang kaisa-isang uri ng puno sa mundo na nagagawang makapaglakad. Nagagawa ng walking palm na “makapaglakad” sa pamamagitan ng kakaibang ugat nito kaya nagagawa ng puno na makagalaw 2 hanggang 3 sentimetro kada araw o humigit-kumulang 20 metro taun-taon.
Ilang buwan pinag-aralan ng paleobiologist na si Peter Vrsansky ang mga walking palm at ayon sa kanya ay gumagalaw ang mga ito upang makahanap ng mas magandang puwesto kung saan sila ay sapat na masisinagan ng araw. Maari rin daw maging sanhi ng paglakad ng mga puno ang labis na pagguho ng lupa kung kaya napipilitan ang puno na maghanap ng mas matibay na lupang kakapitan.
Mayroon namang mga siyentista ang hindi naniniwala sa sinasabing paggalaw ng mga puno. Ayon sa iba ay isa lamang alamat ang paglalakad ng mga puno at kumalat lamang ito dahil sa kuwento ng mga tourist guide upang mapabilib ang mga turista sa Ecuador. Ito rin ang konklusyon ni Gerardo Avalos, isang biologist na masusing pinag-aralan ang mga walking palm noong 2005. Ayon sa kanyang pag-aaral, isa lang talagang alamat ang sinasabing paglalakad ng mga puno.
Alamat man o hindi, mukhang kailangan na talagang maglakad ng mga walking palm palayo sa mga tao dahil na-ngangambang makalbo ang gubat kung saan sila matatagpuan. Pinuputol na kasi ang mga puno sa mga gubat ng Ecuador ng mga taong gustong magkaroon ng sariling lupa. Ito ang dahilan kung bakit maraming grupo ng mga mananaliksik ang bumibili ng mga gubat sa Ecuador upang masigurado na mapapa-ngalagaan ang mga kakaibang hayop at halaman na matatagpuan sa mga ito.
- Latest