Lalaki sa Australia, nailigtas ang buhay ng 2 milyong sanggol dahil sa kanyang dugo
TINAGURIAN ang 78 taong gulang na si James Harrison sa Australia bilang “The Man with the Golden Arm” dahil sa pagdo-donate niya ng kanyang dugo mula sa kanyang kanang braso linggu-linggo sa nakalipas na 60 taon. Kinikilala siya ngayon bilang isang bayani matapos mailigtas ng kanyang kakaibang dugo ang buhay ng may dalawang mil-yong sanggol sa Australia.
Noong 1960s kasi ay marami ang namamatay na mga sanggol sa Australia. Sanhi ito ng isang sakit na kung tawagin ay rhesus disease na ikinamamatay ng mga ipinagbubuntis na sanggol dahil sa dugo ng kanilang ina.
Natuklasan ang lunas sa nasabing sakit matapos madiskubre ng mga doktor ang kakaibang dugo ng noo’y 18-anyos pa lamang na si Harrison. Naisipan ni Harrison na mag-donate ng dugo matapos ang isang delikadong operasyon na nagligtas sa kanyang buhay. Bilang pagtanaw ng utang na loob sa mga taong nag-donate sa kanya ng dugo ay nangako siya sa kanyang sarili na siya rin mismo ay magiging isang regular blood donor.
Matapos niyang mag-donate ng dugo ay hinanap siya ng mga doktor na nagsasaliksik ukol sa rhesus disease. Hindi sigurado ang mga doktor kung bakit kakaiba ang dugo ni Harrison ngunit sigurado silang taglay ng kanyang dugo ang mga antibodies na sangkap para malabanan ang rhesus disease.
Sa tulong ng dugo ni Harrison, nakapag-debelop ang mga doktor sa Australia ng bakuna na kung tawagin ay Anti-D. Isa ang Australia sa mga iilang bansa sa mundo noong 1960s na nakadiskubre ng isang donor na may taglay na pamuksa sa rhesus disease kaya sila rin ang isa sa mga pinaka-unang bansa sa mundo na nakagawa ng lunas laban sa nasabing sakit.
Dahil sa kanyang dugo, ilang dekada nang hindi nanga-ngamba ang mga nagbubuntis sa Australia sa sakit na rhesus disease dahil kailangan lang nilang magpa-bakuna ng Anti-D upang masigurado ang pag-iwas sa mapaminsalang sakit. Tinatayang nasa dalawang milyong sanggol na ngayon ang nagawang makaiwas sa sakit mula nang maimbento ang bakunang ginawa mula sa dugo ni Harrison.
Nakakatuwa namang ibinahagi ni Harrison na sa higit 1,000 beses na pagdo-donate ng kanyang dugo, ni minsan ay hindi raw niya tiningnan ang pagturok sa kanyang braso dahil ayaw niyang makakita ng dugo.
- Latest