Astronomiya ng mga beauty pageant
NOONG panahong uso pa ang mga komiks o maliit na magazine ng mga nakalarawan o nakaguhit na kuwento at nobela (para sa mga hindi nakaabot nang panahong iyon), me nabasa akong isang satirikong kuwento tungkol sa Miss Universe beauty pageant. Siyempre, satire ito na gusto lang magpatawa dahil marahil sa kakatwang pangalan ng pandaigdigang timpalak na ito. Habang idinaraos daw ang timpalak na siyempre dito sa daigdig ang venue, nagsuguran dito ang mga taga-ibang planeta. Nagpoprotesta ang mga Alien dahil bakit daw hindi sila isinasama gayong “Miss Universe” ang pangalan ng timpalak na dapat ay kasali ang mga kinatawan ng iba’t-ibang planeta sa buong sanlibutan. Hindi daigdig lang. Sa katunayan, isinama nila sa kilos-protesta ang para sa kanila ay pinakamagaganda nilang kababaihang Alien.
Likhang isip lamang naman iyon ng sumulat pero nakakapagtaka nga naman kung isasaalang-alang ito sa larangan ng astronomiya bagaman wala pang siyentipikong ebidensiya na merong ibang mga nabubuhay na nilalang sa ibang planeta.
Kung tutuusin, nagsimula sa United States ang pinakakila-lang pandaigdigang beauty pageant na Miss Universe at kadalasang itinatampok dito ang mga kasuotang pambabae bukod siyempre sa kagandahan at katalinuhan ng mga kandidata. Walang indikasyon kung ano ang kaugnayan nito sa mga bagay na may kinalaman sa mga planeta, bituin, bulalakaw at iba pang mga bagay sa universe maliban sa idinadaos ito sa daigdig at kinasasangkutan ng mga naninirahan dito. Siyempre pa, bahagi pa rin naman ng universe ang ating planeta.
Karibal ng Miss Universe ang isa pang kilalang beauty pageant na tinatawag namang Miss World. Nagsimula naman ito sa Inglatera. Napakalaki at magkakaiba ang pakahulugan ng “World” depende sa pinaggagamitan bagaman mas malapit siya sa realidad dahil mas ginagamit ang salitang ito bilang patungkol sa daigdig.
Isa pang karibal at kilalang beauty pageant ang Miss Earth na tumututok naman sa pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran pero pinakamalapit naman sa realidad batay na rin sa pangalan nito.
Sabagay, mukhang hindi na lubhang malayong makatuntong at makapanirahan na rin ang tao sa ibang planeta lalo na sa Mars na pinaghahandaan sa kasalukuyan ng mga dalubhasa sa astronomiya at ibang larangan ng siyensiya at ng iba’t ibang bansang merong space program. Kung magiging matagumpay na makapagtayo ng kolonya ng tao sa Mars, puwedeng magkaroon din ng Miss Martian na magiging kinatawan ng pulang planeta sa Miss Universe beauty pageant!
- Latest