Hamunang Mar at Digong ‘teleseryeng’, sinubaybayan
Nagmistulang teleserye ang palitan nang hamunan ng dalawang presidentiables na sina dating DILG Secretary Mar Roxas at Davao City Mayor Digong Duterte.
Mula sa sampalan, nauwi sa hamon na suntukan at sa sinasabing sa huli ay barilan na lamang.
Tinutukan ng marami ang buwelta ng isa’t -isa, araw-araw na inabangan ang mga susunod na kabanata.
Hanggang sa dumating sa punto na kailangan na silang pagsabihan marahil ng ilan nilang kaalyado, bago bahagyang lumamig ang mainit na bangayan ng dalawa.
Ito ay sa kabila na marahil ay kapwa nila alam na nakabantay at nagmamasid sa pangyayari ang mga botante at binabasa ang bawat kilos nila.
Gayunman, sa bawat umpukan ng marami nating kababayan na tumututok at sumusu-baybay kung sila ang pinag-uusapan mukhang hindi na umano nakasentro sa mahahalagang isyu ang usapan kundi sa mga personal na atake sa isat-isa na hindi na nagiging maganda.
Ito na nga raw ang ‘mukha’ ng eleksyon sa Pinas, na kada sumasapit ang halalan lumalabas ang mga sari-saring mga siraan.
Ang hinihintay ng ating mga kababayan ay mailatag nang malinaw ang kanilang mga plataporma tungkol sa mga mahahalagang isyu o sa pangangailangan ng bansa, ang mga solusyon na kanilang gagawin lalu na ang may kinalaman para mapaunlad ang pamumuhay ng ating mga kababayan.
Hangga’t hindi pa natatapos ang halalan asahan na ang ganitong mga bangayan ng mga magkakalaban. Mas lalu marahil itong titindi sa pagsisimula na ng kampanya sa susunod na taon.
- Latest