‘Halimaw nilamon ang Pasko?’
SA mga radyo at telebisyon halos lahat ay nagpapatugtog na ng mga Christmas songs. Nagbibilang na kung ilang araw na lamang ang natitira bago mag-Pasko.
Sa halip na masayahan at magdiwang tayo ngayong Pasko, tuluyan na bang sinira ang diwa nito dahil sa halimaw na trapiko na patuloy na nagpapa-init ng ating Pasko.
Nakakatakot ng pumunta sa mga malls, sa Divisoria at maski na sa ating mga tanggapan dahil ang dating isang oras na-triple na ang tagal ng ating biyahe’
Marami silang inilabas na kung anu-anong dapat sundin tulad ng paglalabas ng Christmas Lanes o Mabuhay Lanes, Express Bus at nagdagdag na din sila ng mga tao na aasiste sa mga sasakyan para maisaayos ang trapiko.
Ang Express Bus na ipinagmamalaki nila na dumadaan pa din sa mga pangunahing kalsada at nakakadagdag pa sila sa sasakyang nasa daan.
Ipinatigil nila ang mga gumagawa ng kalsada pero hindi nila naisip na mas magiging sanhi ito ng trapik dahil kumakain pa ito ng espasyo sa kalsada.
Sa halip na trabahuin at tapusin ang mga ginagawang ito ay iniwan lang nila itong nakatengga.
Umiinit ang mga ulo ng motorista at nagiging sanhi pa ito ng kung anu-anong hindi pagkakaintindihan.
Napalitan na ba ang ating paggugunita ng Pasko dahil sa mga ito?
Meron mga magulang na titiisin ang lahat mapadama lamang ang Pasko para sa kanilang mga anak.
Marami ring mga ‘senior citizens’ na nagpapabili na lang ng regalo para sa mga apo.
Isa lang ang inaasahan ko, na hindi maapektuhan ang ating tradisyon na buuin natin ang Nobena ng Siyam na araw na Simbang Gabi. Sana sa madaling araw hindi lamunin ito ng trapiko.
Kung hindi mo hahabaan ang pasensya mo sa lahat ng problemang kinakaharap mo sa kalsada ikaw din ang talo.
Mas pinahaba nila ang oras ng pagbubukas ng mga malls para hindi daw sabay-sabay ang uwi ng mga tao para makaiwas na mas bumigat ang trapiko.
Sa lahat ng mga bagay na ipinatupad nila halos wala namang gumana ng maayos. Trapik pa din at kabi-kabila pa ang krimen na nangyayari sa kalsada.
Paulit-ulit nilang sinasabi na habaan ng mga motorista ang kanilang pasensya. Magagawa pa kaya ito kung araw-araw at paulit-ulit mo itong nararanasan.
Ilang araw na lang Pasko na pero sa perwisyong nangyayari sa kalsada tila nalilimutan na natin ang tunay na diwa ng pasko na pagbibigayan at pagmamahalan dahil napangungunahan tayo ng yamot sa kalsada.
Sa kabilang banda magpasalamat na lamang tayo na magkasama-sama tayong magpapamilya at hindi nila matatanggal sa ating puso ang paggunita kay Kristo na ito ang kaarawan niya.
PARA SA ANUMANG REAKSYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest