Bata sa Austria, nakalambat ng 100,000 euros sa ilog
HINDI makapaniwala ang mga tao sa Vienna, Austria nang makakuha nang mahigit 100,000 euros ang isang bata sa Ilog Danube.
Nakita ng bata ang mga palutang-lutang na 500 at 100 euros kaya dali-dali itong lumusong sa tubig upang kunin ang mga ito. Natakot naman ang ilang mga nakakita sa pagtalon ng bata sa ilog kaya tumawag kaagad ang mga ito ng pulis sa pag-aakalang magpapakamatay ang bata.
Pagkarating ng mga pulis, dinatnan na nila ang bata na nakaahon na mula sa ilog at hawak-hawak na ang mga perang kanyang nakuha mula sa tubig. Kinuha ng mga pulis ang pera para suriin kaya pinatuyo muna nila ang mga ito gamit ang isang clothes dryer ng isang washing machine kaya marami ang nagbiro na guilty sa “money laundering” ang mga pulis.
Noong una, inakala ng mga pulis na peke ang mga pera at itinapon lamang ang mga ito sa tubig bilang bahagi ng isang biro ngunit nang kanilang suriin, nakumpirma nilang totoo ang mga perang nakuha ng bata.
Ang isyu tuloy ngayon ay kung may matatanggap ang bata sa 100,000 euros na kanyang natagpuan. Ayon kasi sa batas ng Austria, may matatanggap na 5 hanggang 10 porsiyento ang sinumang magsasauli sa mga pulis ng perang kanilang matatagpuan. Maari rin nilang makuha ang buong halaga kung walang magpapakilalang may-ari pagkalipas ng isang taon.
Hindi pa malinaw sa ngayon kung akma ba ang batas sa kaso na ito dahil kinuha na kaagad mula sa bata ang perang kanyang natagpuan bago pa man siya magkaroon ng pagkakataon na i-surrender ito ng kusa sa mga pulis.
- Latest