EDITORYAL - FOI Bill ang panlaban sa corruption
NANG magtalumpati si President Noynoy Aquino sa Integirty Summit 2015 sa Makati noong Miyerkules, ipinagmalaki niya na ang mabisang panlaban sa corruption ay ang pagsasanib ng pamahalaan at pribadong sector. Napatunayan na aniya ito at nagbunga na dahil sa tinatamasang kaunlaran ng ekonomiya ng bansa sa kasalukuyan. Dahil aniya sa walang patid na paglaban sa corruption ng kanyang administrasyon, natamo ng bansa ang ika-47th place sa World Economic Forum’s Global Competitiveness index mula sa dating 85th noong 2010 at 52nd noong 2014.
Maaaring tam ang Presidente na malaki ang papel nang pagtutulungan pribadong sector at pamahalaan para malabanan ang corruption pero para sa amin, mas epektibo ang Freedom of Information (FOI) Bill. Kung ang panukalang batas na ito ang agarang nilagdaan niya sa pagsisimula ng kanyang termino, baka mas iigpaw pa ang rating ng bansa kung ang lagay ng ekonomiya ang pag-uusapan. Pero tumamlay ang Presidente sa FOI Bill at maaaring makababa na siya sa puwesto ay hindi ito maaaprubahan. Hindi niya tinupad ang sinabi noong 2010 na kapag nahalal siya, susuportahan niya ang FOI. Nalimutan na niya ang pangako.
Kung noon pa inaprubahan ang FOI Bill, maaaring hindi nalustay ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel ng mga mambabatas. Hindi magtatagumpay ang mga matatakaw na buwaya sa mga tanggapang ng pamahalaan. Hindi makakaporma ang mga katulad ni Janet Lim-Napoles na nakapagbulsa ng P10 bilyon makaraang lumikha ng pekeng non-government organizations (NGOs).
Nakasaad sa Sec. 28 Article II at Sec. 7 Artcle III ng 1987 Constitution na may karapatan ang mamamayan na malaman ang mga transaksiyong ginagawa ng pamahalaan. Karapatang mabatid ang lahat ng polisiya, proyekto at mga programa ng gobyerno kung saan sangkot ang pera ng taumbayan. Bilang taxpayers, dapat mabatid at malinawan ng mamamayan kung saan napupunta ang kanilang ibinabayad.
Sayang at tila naghihingalo na ang FOI Bill sa termino ni P-Noy. Maganda namang pagkakataon sa ilang presidentiables na buhayin ang panukala sakali at sila ang mahalal sa puwesto.
- Latest