Bentahan ng shabu sa Manuguit, Tondo, tuloy pa!
FLASH Report: HALOS araw-araw ay may sabong sa Sitio Bilibid, Bgy. Cuta sa Batangas City na ininireklamo ng mga residente kay Calabarzon police director Chief Supt. Richard Albano. Ang tupadahan ay malapit mismo sa bahay ni Bgy. chairman Ramil Caseda. Dahil nga madaming parukyano, mayroon ding color games at baklay sa nasabing tupadahan. Ang tawag pala ni Caseda sa pasugalan sa sakop n’ya ay Tupadang Patay dahil ang kita nito ay para sa kamag-anak ng mga namatayan. Parang sakla-patay din ang tunog nitong tupadang-patay, no mga kosa? Kapag ganitong sistema kasi na tupada-patay, wala itong intelihensiya, di ba Atty. Gerry Asuncion, ang bagman ni Albano? Pero sa tingin naman ng mga kosa ko sa Batangas City, raket lang itong tupada-patay. Kaya dapat ipa-raid ni Albano itong raket ng mga bataan ni Caseda para hindi s’ya maakusahan na halos lahat na lang ng ilegal sa Calabarzon ay pinatungan n’ya sa pamamagitan ng bata at pinsan n’yang si Asuncion.
* * *
Nag-lie low ang tropa ni Totong Allan alyas Bokal at ang mga alipores n’ya na nasa likod ng malawakang bentahan ng shabu sa isang lugar sa Manuguit, Tondo na kung tawagin ay “airport” o “duty free.” Halos ilang araw ng hindi namataan ng mga kosa ko si Bokal at mga alipores n’yang sina alyas Arlene, na dating ka-live in ni Ric Taga; Dennis Baktol, Dante Acuna at Empoy na may patupadahan sa may riles ng tren. Subalit, kahit nawalang parang bula itong sina Bokal at mga alipores n’ya, sinabi ng mga kosa ko na tuloy din naman ang bentahan ng shabu sa airport at duty free. Kaya’t tuloy ang ligaya, di ba mga kosa? Mukhang hindi kayang pahintuin ng mga bataan ni MPD director Chief Supt. Rolando Nana itong drug pushing activities sa airport at duty free. Ano sa tingin n’yo mga kosa? Kung sabagay sayang din ang P60,000 weekly na parating ng tropa ni Bokal sa mga bataan ni Nana, di ba mga kosa? Punyeta! Mabilis kumolekta ng lingguhang intelihensiya subalit mabagal mang-raid! Hehehe! Sayang at mahinto ang tulo ng gripo pag nagka-raid, di ba mga kosa?
Kung nagtago itong si Bokal at mga alipores n’ya, aba hindi rin nasilayan ng mga kosa ko itong sina SPO1 Manalang at PO1 Ortega sa Manuguit. Dati-rati kasi, sisipot itong sina Manalang at Ortega dun kay Bokal para kolektahin ang P60,000 weekly tong sakay ang motorsiklo nila na walang plaka. Subalit noong Biyernes, hindi sumipot itong sina Manalang at Ortega na ikinagulat ng mga kosa ko. Umayaw na sa pitsa itong sina Manalang at Ortega? Imposible, di ba mga kosa?
Baka gumimik lang itong sina Manalang at Ortega at ipinadaan na lang ang koleksiyon nilang P60,000 kay Bokal sa money remittance center? Punyeta! Di papayag itong sina Manalang at Ortega na kuwarta na ay naging bato pa. Ano sa tingin n’yo mga kosang tong kolektor?
May mga kosa naman akong nagsasabi na sasalakayin ng mga tauhan ni Nana ang airport at duty free para mahinto na ang kahibangan ni Bokal at mga alipores n’ya. Kaya lang sa ngayong nagtatago itong si Bokal at tropa n’ya, baka mga abubot na lang ang madampot ng mga tauhan ni Nana? Sinabi naman ng mga kosa ko sa Manuguit na mahirap pasukin itong lugar nila dahil may mga bantay sa labasan na armado ng buzzer, radio at iba pang hi-tech communication gadgets. ‘Ika na, parating pa lang ang mga pulis ay naabisuhan na itong si Bokal at mga alipores n’ya, di ba mga kosa? At hindi lang ‘yan! Tagusan kasi itong Manuguit sa Abad Santos at Juan Luna Streets kaya’t kailangan ni Gen. Nana ng maraming pulis para walang tatakbuhan itong si Bokal at mga alipores n’ya. Hehehe! Pag nagkataon, ang maabutan na lang ng mga bataan ni Gen. Nana ay ang mga makina ng video karera ni Manny Manok na hindi naman nagligpit at nagyayabang pa na rekta siya kay Manila Mayor Erap Estrada! Punyeta! Baka maapektuhan pa ang re-election bid ni Mayor Erap dito sa operation ng video karera ni Manny Manok ah! Abangan!
- Latest