EDITORYAL – Kalbaryong dulot ng LTO
KAPAG may nag-follow-up sa Land Transportation Office (LTO) branch ng kanilang lisensiya (ni-renew), na tumawag na lamang ulit. Karamihan sa mga nag-renew ng kanilang lisensiya noong Mayo ay hindi pa naibibigay. Sabi ng mga opisyal ng LTO, mag-follow-up na lamang ulit. Hindi pa raw alam kung kailan matatapos ang mga lisensiya.
Hanggang ngayon pa rin, marami sa mga plaka ng lumang sasakyan ang hindi rin naire-release ng mga branches ng LTO. Nagbayad ng P450 ang mga nag-renew ng rehistro subalit wala pa rin silang tiyak na petsa kung kailan ilalabas ang mga bagong plaka. May nagsabing baka abutan pa uli ng panibagong pagrerehistro bago mailabas ang mga plakang nabayaran na o maaaring sa susunod pa uling taon. Mayroong nagsabi na baka hindi na maibigay ang bagong plaka. Pero sa kabila na hindi maibigay sa oras ng LTO ang mga bagong plaka, patuloy pa rin sila sa pangungulekta ng P450. May nagsabi pang sa dami ng perang nakolekta sa pagpapalit ng plaka, kaya nang tumustos sa kandidatura ng tatakbo sa 2016 elections. Dapat panghimasukan na ang nangyayaring kairesponsablehan sa LTO. Sobrang kalbaryo na ang tinatamasa ng mga nagmamay-ari ng sasakyan at pati na ang mga nag-aaplay ng driver’s licensed. Habang naghihintay sila kung kailan magkakaroon ng lisensiya at lalabas ang binayarang plaka, marami pang ginagawang pahirap ang LTO na nagdaragdag sa dinaranas na kalbaryo.
Noong nakaraang linggo, nagdulot ng kalituhan ang bagong kautusan ng LTO sa mga kukuha at magre-renew ng kanilang professional driver’s license. Ayon sa kautusan, kailangang kumuha ng police at NBI clearance ang mga aplikante. Ito raw ay para matiyak kung walang kaso ang nag-aaplay at nagre-renew ng lisensiya. Marami ang tumutol sa bagong kautusan ng LTO. Sa halip daw na ang pagkuha ng NBI at police clearance ng aplikante ang gawin ay tutukan na lang ang mga corrupt at mga fixer sa kanilang tanggapan.
Maraming ipinasusunod ang LTO sa mga kumukuha ng lisensiya subalit iresponsable naman sa pamamahagi nito. Hindi nila maideliber sa oras ang mga binayarang lisensiya at plaka. Hanggang kailan sila magdudulot ng kalbaryo sa publiko.
- Latest