EDITORYAL – Isubasta na ang mga alahas ni Imelda
NAKAKALULA ang pink diamond na nakumpiska ng gobyerno sa Marcos family noong Pebrero 1986 makaraang tumakas sa Malacañang. Ang pink diamond ay sinuri ng jewelers mula sa Christies auction house at napag-alamang nagkakahalaga ng P235 milyon ($5 milyon). Ayon sa jewelers na nagsasagawa ng appraisal sa pink diamond, pinaniniwalaang ito ay ginamit pa ng Mogul emperor libong taon na ang nakararaan. Kung bakit ngayon lamang nasuri ang pink diamond, wala namang masabi ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) ukol dito.
Ayon pa sa jewelers, ang briolette-cut barrel-shaped pink diamond ay nakalalaway umano dahil sa angking kagandahan nito. Sabi pa, sinumang makakakita sa diamond ay manginginig ang tuhod dahil sa sobrang kagandahan ng alahas.
Mayroong kabuuang 700 piraso ng Marcos jewelry ang ipasusubasta ng pamahalaan at inaasahan nilang matatapos na ito. Tatlumpung taon na ang nakalilipas mula nang makumpiska ang mga alahas at nararapat na raw magwakas na ang pag-iingat dito. Kailangan daw mapakinabangan ng taumbayan ang mapagbebentahan sa mga alahas. Kasalukuyang nasa vault ng Central Bank of the Philippines ang mga alahas na pinaniniwalaang nakamal ng Marcos family sa maraming taon na pananatili sa puwesto.
Panahon na para isagawa ang mabilisang pagsusubasta sa mga alahas para magamit ito sa mga proyekto para sa mamamayan. Ayon sa PCGG, ang proceeds sa mga isusubastang alahas ay mapupunta sa Department of Agrarian Reform (DAR). Sana ay magamit nang maayos ang mapagbebentahan. Hindi sana ito makurakot nang mga gutom na buwaya. Siguruhin na ang lahat nang proceeds mula sa mga alahas ay magagamit nang maayos at makakatulong para mapaunlad ang agraryo. Malaki ang maitutulong sa mga karaniwang mamamayan kapag naibenta ang mga alahas na nakumpiska sa mga Marcos. Madaliin sana ang pagsusubasta para mapakinabangan na.
- Latest