Pagmamahal sa Trabaho
HINDI ko makakalimutan ang payo ni Martin Luther King Jr. tungkol sa pagmamahal sa trabaho:
Kahit pa ang trabaho mo ay pagwawalis ng kalye, gawin mo ang iyong trabaho na kasinghusay ng pagpipinta ni Michaelangelo ; kasinghusay ng paghabi ng tula ni Shakespeare ; kasinghusay ng paglapat ng mga nota sa musika nina Handel at Beethoven. At sa sobrang linis ng kalyeng iyong winalis, pati ang mga Anghel at Diyos Ama sa langit ay magpupuri at sasabihing, dito nagtatrabaho ang pinakamahusay na tagalinis ng kalye.
Minsan nahuli sa pagpasok sa trabaho si Tess dahil minalas na nabuhusan ng tubig isang araw ng piyesta sa San Juan. Basang-basa siya kaya bumalik sa kanilang bahay para magbihis. Isang oras siyang late. Nagkataong hinahanap siya ng big boss. May hinahanap itong dokumento. Naibigay naman ni Tess ang dokumento pero napagalitan pa rin. ‘Yung pagalit na parang may ninakaw siyang pera sa kompanya. Nakalimutan ng big boss ang lahat ng accomplishments ni Tess: Naimbento niyang bagong produkto at siya ang nakabuko na fake ang isang ingredients na inirarasyon ng kanilang supplier. Pero anong magagawa niya. E, sa ganoon ang sistemang umiiral sa kanilang kompanya. Ang importante, kung anong kasalanan mo ngayon.
Sa isang publishing company nagtatrabaho si Millie. Mahusay siyang writer. Ginagawa niya ang lahat para maging kabasa-basa ang bawat artikulong kanyang sinusulat. Pero sa tuwing magpapalit ng editor, laging kolum niya ang unang “binabaril” ng bagong umuupong editor. ‘Yun sa kanya kaagad ang “sinasagasaan” samantalang mayroon namang mas dapat pansinin at baguhin. Mas “convenient” siyang sagasaan dahil siya lang ang hindi close sa editor. Sa kabila ng katotohanang ito, wala siyang magawa kundi sumunod na lang sa agos. Tanggapin na lang kung ano ang ipasulat sa kanya. Kailangan niya ang trabaho. Lulunukin na lang niya ang sistema.
Sa puntong ito, nawalan ng kuwenta ang payo ni Martin Luther. Ginagawa mo nang buong husay ang iyong trabaho pero hindi naman iyon nabibigyan ng halaga dahil may mali sa sistema.
- Latest