Namamalimos na mga paslit sa lansangan, dumarami na naman!
Ilang araw ding hindi nasumpungan ang mga batang palaboy o street children sa mga pangunahing lansangan sa Maynila habang isinasagawa ang APEC sa bansa.
Kasi nga raw karamihan sa mga ito ay pinagdadampot at pansamantalang dinala sa boystown sa Maynila.
Ang ilan naman pumuslit at pansamantalang nagtago sa mga karatig lungsod o lugar sa labas ng Maynila.
Kapansin-pansin kasi noong nakalipas na linggo kung saan nagaganap ang APEC sa lungsod dumami ang nagkalat na palaboy sa lungsod naman ng Quezon.
At ngayong tapos na ang APEC balik na naman ang mga ito sa dati nilang lugar hindi lang sa kahabaan ng Roxas Boulevard kundi sa ilan pang pangunahing kalsada sa Maynila at Pasay.
Iba-iba ang mga pamamaraan ng mga ito sa pagkita ng pera, merong sumasampa sa mga jeep may dalawang basahan at kahit naka tsinelas o nakapaa ang sakay, eh sige ang punas ng mga ito saka iisa- isahin ang pasahero na hihingan.
Ito ang kanilang gawi na ayon nga sa ilan eh ok lang magbigay dahil nga sa Kapaskuhan, o kaya nga lang kanilang kinatatakutan eh ang disgrasyang maaaring dulot nito sa mga paslit.
Dapat dito na kumilos nang husto ang DSWD maging ang mga lokal na pamahalaan para na rin sa kapakanan ng mga paslit na ito na hindi madisgrasya sa mga lansangan.
Ang Mandaluyong City, may pag-aksyon na ukol dito kaya nga target nila ngayong holiday season na gawing ‘zero street children’ ang mga lansangan ngayong Kapaskuhan.
Napansin na nila ang pagdami raw ng mga batang namamalimos sa kalye at ang panganib na nakaamba dito.
Maging ang mga magulang ng mga batang ito ay kanila nang binalaan na posibleng patawan ng parusa sakaling madisrasya ang kanilang mga anak na namamalimos sa mga lansangan.
Ito ay sa pamamagitan ng kanilang city ordinance No. 538 o Code of Parental Responsibility.
Marami nga kasi na mismong mga magulang ay ginagamit ang kanilang mga anak sa pamamalimos kahit na sa mga mapanganib na lansangan at hindi alintana na pwede itong maging daan ng kapahamakan ng kanilang mga anak.
Sana ay mapansin na rin ito ng ilan pang lokal na pamahalaan lalu na sa Metro Manila kung saan dadayuhin pa hindi lamang ng mga batang palaboy kundi ng iba pang modus na nanghihingi sa mga lansangan.
Dapat rin na maging ang mga nagmamando ng trapiko sa mga kalye ay bigyan na rin ito ng pansin na kanilang masaway o maaksiyunan.
Huwag na sanang hintayin pang may maganap na trahedya bago aksiyunan ang ganitong bagay sa lansangan.
- Latest